
Ni NOEL ABUEL
Inihain ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng panukalang batas para bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na suspendehin ang pagtaas ng premium ng direct contributors ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth), kabilang ang mga manggagawa.
Sa House Bill (HB) No. 6772, na ang pagsususpende ng adjustment ay mag-aalis ng karagdagang pinansiyal na pasanin sa milyun-milyong manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, mga propesyonal, self-employed, at iba pang mga Philhealth contributor na patuloy pa ring nahaharap sa COVID-19 pandemic.
Aniya, ang mga daily wage earners at maraming empleyado, na binubuo ng mayorya ng mga miyembro ng Philhealth, ay makakatipid ng hindi bababa sa P50 kada buwan o P600 kada taon mula sa kanilang health insurance premium payment kung masususpende ang adjustment.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11223, o mas kilala sa tawag na Universal Health Care Act, tataas ang kontribusyon ngayong taon mula 4 porsiyento hanggang 4.5 porsiyento, o mula sa minimum monthly premium na P400 hanggang P450.
Ang rate ay tataas pa sa 5 porsyento simula sa 2025.
Nakapaloob sa panukalang batas ay mag-aamiyenda sa RA 11223, na pinagtibay noong 2018.
Maliban kay Romualdez kasama sa nag-akda ng nasabing panukala sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos, at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.
“The President of the Philippines may, upon recommendation of the Philhealth board, suspend and adjust the period of implementation of the scheduled increase of premium rates during national emergencies or calamities, or when public interest so requires,” ayon sa resolusyon.
Sa paghahain ng amendatory bill, binanggit ng Speaker at ng kanyang apat na co-authors ang layunin ng Universal Health Care Act mismo, na siguraduhin na ang lahat ng Pilipino ay garantisadong pantay sa pag-access sa mga kuwalipikado at abot-kayang mga produkto at serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, at protektado laban sa panganib sa pananalapi.
“The intent of the law is clear and cannot be overemphasized. Filipinos need and deserve a comprehensive set of health services that are cost effective, high quality and responsive to the requirements of all citizens,” ayon sa mga mambabatas.
“While Philhealth only aims to fulfill and remain faithful to its mandate, imposing a higher premium on Filipinos in these current conditions where most of them are grappling with the pandemic will definitely enforce a new round of financial burden to its members,” dagdag nito.
Tinukoy ng mga ito na ang bansa ay halos hindi nakabangon mula sa mga pagkalugi at paghihirap na dulot ng pandemya, dahil maraming mga negosyo ang hindi pa muling nagbubukas at maraming tao ang nananatiling walang trabaho.
