
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ng isang mataas na lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na maituturing na matagumpay ang paglago ng ekonomiya noong nakaraang taon kung ang mga benepisyo nito ay mararamdaman ng lahat ng Pilipino.
Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera na katanggap-tanggap aniya na umakyat ang ekonomiya ng bansa nooong ikaapat na bahagi ng nakaraang taon kung maayos ang pamumuhay ng mga Pinoy.
“Economic growth must be inclusive and it must be felt all across the country for all Filipinos,” ani Herrera.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng mga ulat na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 7.6 porsiyento noong 2022, na lumampas sa target ng gobyerno dahil nanatiling matatag ang domestic consumption sa kabila ng tumataas na inflation.
Sa datos ng gobyerno na inilabas noong Huwebes ay nagpakita na ang gross domestic product (GDP) growth ay mas mabilis kaysa sa pandemic-blighted na 5.7 percent output noong 2021 at halos lumampas sa projection ng gobyerno na 6.5 hanggang 7.5 porsiyento.
Ngunit sinabi ni Herrera na maraming Pilipino ang hindi pa nakakaramdam ng mga benepisyo ng malakas na paglago ng GDP na natamo ng bansa noong nakaraang taon.
“Unfortunately, reports on improving economy do not reflect the reality that millions of Filipinos remain poor and have to struggle daily to earn a living,” sabi pa ni Herrera.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), sinabi ni Herrera na tumaas sa 51 porsiyento ang mga Pinoy na nagsabi sa kanilang sarili na mahirap sa fourth quarter ng 2022 na tinatayang 12.9 milyong Pilipino.
Mas mataas aniya ito sa 12.6 milyon o 49 percent na naitala noong nakaraang quarter.
Ikinalungkot ni Herrera na maraming tao ang nagsasabing hindi nila nararamdaman ang paglago ng ekonomiya dahil sa mataas na singil sa kuryente, mabagal na internet connection, hindi mahusay na sistema ng pampublikong transportasyon, pagtaas ng presyo ng pagkain, at mababang sahod.
“The challenge now for the present administration is to address these valid concerns of our people because economic growth is useless if its benefits do not redound to the entire population,” giit pa ng kongresista.
