Labor inspection muling ipagpapatuloy ng DOLE

Ni NERIO AGUAS

Ipagpapatuloy na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-iinspeksyon sa paggawa kasunod ng utos na nagbibigay ng awtoridad sa mga kawani nito na muling magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga pribadong establisimyento.

Sa nilagdaang Administrative Order No. 31-2023 ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma, nagpapahintulot sa mga kawani ng DOLE na magsagawa ng labor inspection simula Pebrero 1, 2023.

Una nang sinuspende ng DOLE ang labor inspection noong Disyembre ng nagdaang taon upang tutukan ang pag-aasikaso sa mga nakabinbing kaso sa buong bansa.

Sa bagong administrative order, magiging aktibo ang mga grupo ng inspektor ng kagawaran, kabilang ang mga labor inspectors (LIs), labor inspection auditor (LIA), technical safety inspector (TSI), hearing officer (HO), at sheriff.

Ang bawat inspection unit, isang sistema na itinulad ng kagawaran hanggang sa regional at field office, ay binibigyan ng isang “pangkalahatang awtoridad,” isang listahan ng mga minimum na kwalipikasyon at mga pamantayan para maging kuwalipikadong inspektor na magsasagawa ng inspeksyon.

Para sa mga labor inspector, ang awtoridad ay ibinibigay lamang sa mga tauhan ng DOLE na nakapasa sa basic training course, at hindi bababa sa posisyon ng Labor and Employment Officer III (LEO III), at walang mga nakabinbing kasong administratibo o kriminal.

Ang Technical Safety Inspectors ay dapat na mga rehistradong propesyonal na inhinyero at may lisensiya ng Professional Regulation Commission at ang kinakailangang pagsasanay sa inspeksyon sa kaligtasan.

Para sa pagsasagawa ng mga mandatory conference, ang mga itinalagang hearing officer lamang ang pinapayagang magsagawa ng mga pagdinig para sa mga inspeksyon.

Nakabalangkas din sa kautusan ang mga tungkulin ng mga sheriff na kinabibilangan ng pagpapatupad ng mga kautusan, paghahatid ng mga abiso ng mga dapat bayaran, at pagpapatupad ng mga huling desisyon.

Pinahinintulutan din ng administrative order ang mga regional director na mag-isyu ng kani-kanilang “awtoridad” sa kani-kanilang mga labor inspector.

Para sa taong ito, inaasahang tatagal hanggang Disyembre 31, 2023 ang labor inspection ng DOLE sa mga pribadong establisimiyento.

Leave a comment