BOC pinuri ni Speaker Romualdez sa paglaban sa mga hoarders

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pinaigting at walang humpay na kampanya ng gobyerno laban sa smuggling habang pinasalamatan din nito ang mga awtoridad sa pagdinig sa kanyang panawagan na salakayin ang mga bodega na pinaghihinalaang nag-iimbak ng mga sibuyas at bawang.

“Kinausap natin ang ating law enforcement agencies para i-raid ang warehouses na hinihinalang nasa likod ng hoarding ng sibuyas at bawang. Ito ang nagpapahirap sa taong-bayan na dahilan ng inflation at pagtaas sa presyo ng mga bilihin,” sabi ni Romualdez matapos na iulat ng Bureau of Customs (BoC) ang matagumpay na pagsalakay sa mga nagtatago ng sibuyas at bawang.

“Inaasahan natin na magtutulouy-tuloy ang kampanyang ito laban sa mga mapagsamantala,” dagdag nito.

Inilabas ni Romualdez ang pahayag matapos iulat ng BOC, sa ilalim ng bagong pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio, ang pagkakatuklas ng humigit-kumulang P150 milyong halaga ng imported na sibuyas at bawang na nakaimbak sa 24 na magkakahiwalay na lokasyon na karamihan ay nasa lungsod ng Maynila at Malabon.

“I reiterate my warning to these evil hoarders and unscrupulous businessmen. We are breathing down your necks. Tuldukan na ninyo na ang inyong mga gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” giit ni Romualdez.

Nanawagan din ito para sa paglaban sa mga tiwaling negosyante dahil ang kahalagahan ng pagprotekta sa kapakanan hindi lamang ng mga Pilipinong mamimili kundi pati na rin ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtiyak ng sustainability ng lokal na industriya ng sibuyas at bawang.

Ipinunto nito na ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura ay nagdudulot ng malaking banta sa mga layuning ito, dahil nagdudulot ito ng artipisyal na pagtaas ng presyo, malaking pagkalugi sa kita ng pamahalaan, at pinapahina ang pagiging mapagkumpitensya ng mga lokal na magsasaka.

Leave a comment