
Ni JOY MADALEINE
Nakahanda na ang lokal na pamahalaan ng Caloocan para sa inaasahang tigil-pasada ng ilang transport groups simula sa araw ng Lunes.
Ayon kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, may nakalatag nang contingency plans ang lungsod para sa 7-day transport strike sa Metro Manila.
Ayon kay Malapitan, nakahanda ang lungsod na magpakalat ng mahigit 65 sasakyan para sa Alalay sa Mananakay: Libreng Sakay program nito sa buong panahon ng welga.
“We consolidated all the available vehicles of the city and we are ready to provide free rides to our affected commuters. We also prioritized the areas that would possibly be heavily affected by the said strike and indentified the route and the pick-up and drop-off points of our free rides,” sabi pa nito.
Inatasan din ng local chief executive ang lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa lungsod na magsagawa ng isang linggong online classes para sa lahat ng antas bilang kapalit ng face-to-face classes.
“Hindi maaaring maapektuhan ang pag-aaral ng ating mga estudyante dahil sa tigil-pasada kaya mula March 6 hanggang March 12, balik online class muna ang mga estudyante. I hope the parents, teachers and students would understand that we need to adjust accordingly,” paliwanag pa ni Malapitan.
Ipinag-utos din ng local chief executive sa Caloocan City Police na pataasin ang kanilang visibility sa mga pangunahing lansangan at ipatupad ang maximum tolerance.
“We will ensure the safety of everyone. Priority natin lagi ang kaligtasan ng ating mga commuter at motorista lalo na ang mga hindi sasali sa tigil pasada, kaya maliban sa Caloocan City Police, inatasan din natin ang ating Disaster Risk Reduction and Management Office na magkaroon ng paghahanda para dito sa transport strike,” sabi nito.
Samantala, ang Caloocan City LGU ay nagbigay ng mga hotline para sa mga emergency at urgent concerns bilang paghahanda sa nasabing strike; para sa mga alalahaning nauugnay sa trapiko: 8310-4742 at para sa emergency response: 888-25664.
