
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng isang kongresista sa liderato ng Kamara ang paglubog ng (MT) Princess Empress sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro na nagpakalat ng 800,000 litro ng industrialized fuel.
Sa inihaing House Resolution No. 829 ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., chairman ng House Committee on Natural Resources, nais nitong imbestigahan ang nasabing trahedya na ngayon ay nakakaapekto na sa 10 bayan sa Oriental Mindoro.
“Additionally, the oil spill might affect 20,000 hectares of coral reef, 9,900 hectares of mangroves, and 6,000 hectares of seagrass and could possibly coat the marine habitats and animals…which can clog the gills of fish and marine invertebrates…damage the feathers of bird and fur of marine mammals,” nakasaad sa resolusyon.
Sinasabing dahil sa pagkalat ng oil spill, nanganganib na makaapekto rin ito sa mga dalampasigan ng Palawan, Antique at Romblon.
Una nang nanawagan ang international environment group na Oceana, sa pamahalaan na agad na magpatupad ng mekanismo at aksyon para mapigilan ang pagsira sa marine environment, fisheries resources, at kabuhayan ng mga residente ng Verde Island Passage na nasa gitna ng marine biodiversity sa buong mundo.
Hiniling din nito sa gobyerno na simulan ang pagsisiyasat at pagsubok sa lawak ng kontaminasyon at agarang tulong sa lokal na mangingisda na umaasa sa naapektuhang tubig.
Inihayag din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na natukoy na ang lugar ng pinaglubugan ng MT Princess Empress na nasa lalim na 1,200 feet below sea level, ilang araw matapos na ipadala ng DENR ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) BRP Hydrographer Ventura sa lugar ng oil spill site.
Ayon pa sa DENR, ang barko ay natagpuan sa hilagang-silangan ng Pola, Oriental Mindoro at pinaniniwalaang kumikilos ng timog-silangan mula sa huling posisyon nito kung saan ito tuluyang lumubog.
“We are now preparing to access an ROV in order to fully determine where the vessel actually is and to completely model the way the oil will be spilling from the vessel,” ayon sa DENR.