Proteksyon ng mga buntis at sanggol dapat tiyakin — solon

Rep. Camille Villar

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar ang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong mapabuti ang pangangalaga sa ina at bagong panganak at magbigay ng pinakamataas na pananggalang sa mga ina sa oras ng kanilang panganganak.

Sa House Bill 5684 o An Act Safeguarding the Health of Filipino Mothers at the Time of Their Childbirth, na inihain ni Villar layon nito na mabawasan ang maternal deaths sa pamamagitan ng pagbibigay ng birthing facilities sa bawat barangay sa buong bansa.

“It is only imperative that the government give priority to pregnant mothers and their newborn, especially the underprivileged women, to help reduce their risk and somewhat ease the difficulty of their childbirth,” sabi ng kongresista.

Idinagdag ni Villar na ang pagbabawas ng maternal deaths ay bahagi ng sustainable development goals, ngunit ang available na data ay nagpapahiwatig na ang bilang ng mga kababaihang namamatay mula sa panganganak ay tumataas.

Base sa record ng Philippine Statistics Authority, ipinapakita na ang maternal deaths ay nadagdagan ng 1,616 noong 2018 na malayo sa 1,484 na naitala noong 2017.

Nangunguna ang Region IV-A o ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon na nakapagtala ng pinakamataas na maternal deaths na nasa 245 kaso o 10.36 na dagdag mula sa 222 kaso noong 2017.

Sumunod naman ang Region VII o ang Central Visayas (Cebu, Bohol, Negros Oriental at Siquijor provinces) na nakapagtala ng 230 maternal deaths habang ang Metro Manila ay mayroong 195 na nasawi sa kahalintulad na panahon.

“We have an important duty to protect the lives of mothers and the unborn and we seek to provide comprehensive childbirth services to them to address maternal or neonatal problems,” ani Villar.

Sa panukalang batas, mag-aatas sa mga local government units (LGUs) na i-upgrade at pagbutihin ang kanilang mga serbisyong pangkalusugan at mga medical facilities sa hangaring makapagbigay ng sapat at de-kalidad na emergency obstetric care.

Gayundin, ang mga local health clinics, health offices at satellite offices ng Department of Health (DOH) ay inaatasan na magbigay ng 24-oras na tulong sa mga ina.

Kasama rin sa panukala ang pagbibigay ng dagdag na suweldo at insentibo sa mga health workers.

Inaatasan din ang DOH, sa pakikipag-ugnayan sa Professional Regulation Commission at iba pang organisasyon, ay inaatasan na higit pang gawing propesyonal ang pagsasagawa ng midwifery at bigyan ng kapangyarihan na maging pangunahing mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan sa pagbibigay ng pangangalaga sa mga ina at bagong silang na sanggol.

Leave a comment