
NAHAHARAP ngayon sa kasong robbery-extortion at grave threat ang dalawang opisyal ng Pasay City Police at dalawa pa nilang tauhan dahil sa umano’y pangongolekta ng lagay mula sa isang vendor ng damit at sapatos sa Baclaran, bahagi ng nasabing lungsod.
Sa apat na pahinang sinumpaang salaysay sa Office of the City Prosecutor, ang biktimang si Maritess D. Jumawan ng GG Cruz, Baclaran, Paranaque City ay nagharap ng sakdal laban kina Major Sonny Longboy, Insp. Alexander Macarunay, Police Officer Socrates Tuzon at Police Officer Walid Javier.
Ang mga nabanggit na pulis ay nakatalaga sa Baclaran Substation 5 ng Pasay City Police Station.
Tinanggap ang sumbong ni Assistant City Prosecutor Clarence Espanol ng Office of the City Prosecutor ng Pasay City, may NPS Docket No. XV-13-INV-23-C 00374.
Nabatid na noong December 16, 2022, ay pumunta ang ginang sa Baclaran Substation ng pulisya upang makiusap na payagan siyang makapaglatag ng paninda sa paligid ng istasyon.
Pumayag aniya sina Tuzon at Javier basta magbigay ng halagang P50,000. Ang P25k aniya ay para kay Major Sonny Longboy at ang isang P25k ay para naman umano sa hepeng si Col. Bayron Tabernilla.
Bukod dito, dapat din aniyang magbigay ng tig-P1,000 si Jumawan para kina Tuzon at Javier, gayundin sa kolektor ni Major Longboy na si Edward Larong at may hiwalay pang P500 para naman kay Lt. Macarunay.
Nangako ang mga pulis na bukod sa pagpayag na makapaglatag ng paninda ay bibigyan ito ng proteksiyon sa mga kapwa vendor, partikular na sa mga Muslim.
Disyembre 18 ay bumalik sa istasyon ang ginang bitbit ang perang hiningi sa kanya ng mga pulis. “Para silang mga bata na nag-aagawan sa pera na aking binigay sa kanila,” sabi pa sa complaint.
Sinabi ng ginang na para sa kanilang mga vendors na matapos maibigay ang naturang halaga ay hindi natupad ang kanilang pinag-usapan na magkakaroon siya ng puwesto para magtinda sa paligid ng Baclaran Pasay police station.
Sa halip, mula Disyembre, Enero hanggang nitong buwan ng Pebrero ay pinabalik-balik lamang siya ng mga ito sa pangakong hindi naman natupad.
Nang tinangkang bawiin ng ginang ang ibinigay na pera ay pinagbantaan umano ito na huhulihin at kakasuhan ng illegal drugs.
“Kapag hindi ko sila tinigilan kasisingil ay ipapapatay ang aking pamilya kapag ako ay bumalik pa sa kanilang opisina,” sabi pa sa sumbong.
Ilang kapwa vendors aniya ang nakausap ng ginang at sinabing kalakaran na nina Tuzon at Javier ang manghingi ng pera bilang goodwill money, ngunit hindi naman nangyayari ang pinag-usapan.
Sinabi rin sa sumbong ng biktima na habang nasa istasyon siya ng pulisya ay nasaksihan niya ang ginang na umiiyak dahil ayaw payagang madalaw ang asawang si Michael Guiam kung hindi magbibigay ng P200.
Sa labis na awa ay binigyan niya ito ng P200 at doon ikinuwento sa kanya na hiningan sila ng P40,000 upang mapababa ang kaso ng asawa mula sa drug pushing ay illegal possession na lamang.
Nakalulungkot ang mga ganitong uri ng sumbong. Alam ko kasi na ang reklamo ni Jumawan ay isa lamang sa maraming bilang ng mga pang-aabuso at pang-aapi na ginagawa ng ilang scalawags na pulis.
Muli tayong nananawagan kina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Edgar Allan Okubo, Southern Police District chief Brig. Gen. Kirby Kraft at kay Col. Foilan Uy na hepe naman ng Pasay City Police.
Mga bossing, ‘preventive suspension’ sana agad ang ipalabas ninyo laban sa mga inirereklamong pulis-Pasay upang hindi na sila makaimpluwensiya pa sa mga inihaing sumbong laban sa kanila. Dapat din ay bigyan ninyo ng proteksiyon ang nagrereklamong si Jumawan dahil hindi malayong mabuweltahan siya ng kanyang mga kalaban.
Alam kong tuluy-tuloy ang ‘internal cleansing’ ng PNP upang malinis ang inyong hanay at umaasa tayong magkakaroon ng hustisya ang inihaing sumbong ni Gng. Maritess Jumawan.
***
Para sa anumang reaksyon o suhestiyon at sumbong, maaaring tumawag o mag-text sa cell phone no. 0915-7412674.
