
Ni NOEL ABUEL
Kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month, personal na namahagi ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa mga mahihirap na residente sa Arayat, Pampanga.
“Nandito po ako para magbigay tulong po sa mga identified po na indigents dito po sa bayan ng Arayat at makatulong man lang kahit papaano, makapagbigay ng solusyon sa problema nila,” sa pahayag ng senador.
“Makapag-iwan po sa kanila ng ngiti sa panahon ng pagdadalamhati ng ating mga kababayan dahil nasa gitna pa po tayo ng pandemya dulot ng COVID-19,” dagdag nito.
Idinaos sa Glorietta covered court sa Barangay Poblacion, si Go at ang kanyang mga kasama ay namahagi ng mga food packs, bitamina, face mask, at pagkain sa 500 benepisyaryo, na lubhang kailangan ng tulong sa mga pamilyang nahihirapang mabuhay sa gitna ng pandemya.
Bukod dito, nabigyan din ang mga piling benepisyaryo ng bisikleta, cellphone, sapatos, bola para sa basketball at volleyball, damit at relo.
May mga tauhan din mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbigay ng tulong pinansyal sa mga residente.
Bago ang pamamahagi ng tulong, dumalo rin si Go sa groundbreaking ceremony para sa Super Health Center sa nasabing bayan, isang pasilidad na maglalapit sa mga serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng rehiyon.
Binigyan-diin ng senador ang kahalagahan ng pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad na nangangailangan ng agarang gamutan.
“Makatutulong po ito sa mga kababayan natin na ilapit po ang serbisyong medikal sa kanila. Ilalagay po ito sa mga strategic areas sa buong Pilipinas. Itu-turn over na po ito sa local government units, sila po ang mamamahala at pwede nilang i-expand, pwede nilang palakihin, pwede nilang lagyan ng mga dialysis center at iba pang serbisyong medikal na makakatulong po sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Go.
Ang Arayat Super Health Center ay isang healthcare facility na magbibigay ng serbisyo tulad ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit.
Gayundin ng eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at telemedicine, kung saan may remote diagnosis at treatment patients ang isasagawa.
Noong 2022, sinuportahan ni Go ang pondo para sa pagtatayo ng mga Super Health Center sa Pampanga na matatagpuan sa San Fernando City at mga bayan ng Lubao, Macabebe, Magalang, Porac at San Agustin.
At ngayong 2023, mas maraming health centers ang pinondohan sa mga bayan ng Magalang, Minalin, Porac, at Sta. Rita, maliban pa ang Isa sa bayan ng Arayat.
