Abusado at overstaying na US national inaresto ng BI

NI NERIO AGUAS

Dinakip ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na nakunan sa closed circuit television (CCTV) at naging viral sa social media habang sinasaktan ang isang delivery rider sa Cebu City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip ng mga operatiba ng BI intelligence division na si Phillip Justin Bean, 43-anyos, sa isang hotel sa Bgy Day-as, Zapatera, Cebu City.

Sinabi ni Tansingco na naglabas ito ng mission order para sa pagdakip kay Bean matapos lumabas sa imbestigasyon na overstaying na sa bansa ng isang taon ang nasabing Amerikano.

Base sa BI records, huling naghain ng pagpapalawig sa bansa ni Bean noong Abril 7, 2022 at mula noon ay hindi na nag-renew ng tourist visa nito.

“He has no right to verbally and physically abuse a Filipino.  His actions show that he is abusing the hospitality of our country.  He should be deported for being an undesirable alien,” giit ni Tansingco.

Dagdag pa nito, isasama si Bean sa immigration blacklist para tuluyang ipagbawal na makapasok muli sa Pilipinas.

Natuklasan din ng BI na si Bean ay nagtatrabaho sa bansa bilang duty manager sa isang bar sa Cebu City sa kabila ng wala itong hawak na working permit at visa. 

Leave a comment