
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang repasuhin ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II ang mga hamong kinakaharap ng K to 12 curriculum, kabilang ang pagpapatupad ng Mother-Tongue Based Multilingual Education (MTB-MLE) at ang spiral progression approach.
Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian kung saan mandato aniya ng EDCOM II na magsagawa ng National Assessment and Evaluation kabilang ang pagtiyak ng mga bagay na may kinalaman sa patuloy na pagbagsak ng performance ng mga mag-aaral sa ilang mga subjects upang maabot ang mga ninanais na local at international standards.
Aniya, matatandang batay sa resulta ng mga large scale international assessment tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), nahuhuli ang mga mag-aaral ng bansa kung ihahambing sa mga mag-aaral ng ibang bansa.
Lumabas din umano sa naturang assessment na hirap ang mga mag-aaral ng bansa na matutunan ang kanilang mga aralin.
Sa 2018 PISA, Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading at pangalawang pinakamababang marka sa Science at Mathematics.
Bagama’t kasalukuyan ang pag-aaral at rebisyon ng Department of Education (DepEd) sa K to 12 curriculum, ipinaliwanag ni Gatchalian na magiging batayan ng mga ipapanukalang reporma ang magiging resulta ng pag-aaral ng EDCOM II.
“Sa aking opinyon, may dalawang kontrobersyal na isyung nakapaloob sa batas ng K to 12, una ang mother tongue at pangalawa ang spiral progression,” ani Gatchalian, co-chairperson ng EDCOM II.
“Susuriin natin ang mga ito dahil nais nating matiyak na maging mahusay ang ating mga mag-aaral,” dagdag nito.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 9% lamang sa 16,287 na mga paaralang sumailalim sa survey ang nakagawa ng apat na aktibidad para sa matagumpay na pagpapatupad ng MTB-MLE.
Ang apat na ito ay ang pagsusulat ng mga libro sa wika, panitikan, at kultura; dokumentasyon ng ortograpiya ng wika; dokumentasyon ng balarila; at dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.
Upang matiyak aniya naman ang kaalaman at kakayahan sa pagwawakas ng bawat antas, minandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ng K to 12 Law (Republic Act No. 10533) ang paggamit sa spiral progression approach kung saan nagsisimula ang pagtuturo sa mas simpleng paksa hanggang maging komplikado habang paakyat sila sa bawat baitang.
Ngunit ayon sa isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Visayas State University noong 2020 ukol sa pagpapatupad ng spiral progression approach, lumalabas na ilan sa mga puna ng guro sa ganitong paraan ng pagtuturo ang paulit-ulit na paksa sa iba’t ibang baitang, limitadong organisasyon ng mga paksa, kakulangan sa lalim sa iba’t ibang paksa ng agham, at iba pa.