Hindi dapat nakapaglayag at lumubog

Ni NOEL ABUEL
Nabulgar sa pagdinig ng Senado na walang hawak na kaukulang papeles ang M/T Princess Empress para makabiyahe ito.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change, nagkakaisa ang mga senador na hindi dapat nangyari ang trahedya sa Nauajan, Mindoro noong nakaraang buwan kung hindi pinayagan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) na makapaglayag ang nasabing oil tanker.
Nabatid na sa gitna ng imbestigasyon sa naging epekto ng oil spill nang lumubog ang M/T Princess Empress, inamin ng RDC Reield Marine Services (RDC), ang mag-ari ng lumubog na barko, ay walang certificate of public convenience (CPC) para payagang makabiyahe.
Dahil dito, iginiit ng mga senador na hindi maaaring makakuha ng insurance money ang may-ari ng M/T Princess Empress dahil sa wala itong hawak na authority to operate.
“There is a report of the MARINA which says, ‘Accident report on the foundering and sinking of Princess Empress… the ship has no authority to operate in the form of an amendment to its certificate of public convenience (CPC) issued to RDC Reield Marine Services to operate MTKR Princess Empress in the domestic trade pursuant to the revised implementing rules and regulations of RA 9295,” sabi ni Senador Cynthia Villar, chairman ng komite.
Ipinaliwanag ni MARINA Administrator Hernani Fabia na ang CPC ay dapat na inaamiyendahan sa bawat paglalayag ng nasabing barko.
“’Yung RDC may pending application, which we are going to hear pa sana. May kulang na mga documents, so i-hear pa namin ‘yan. So hindi sila naisyuhan agad,” sabi ni Fabia.
Sinabi naman ni Senador Francis Escudero, ibinulgar nito na siyam na beses nang nakapaglayag ang M/T Princess Empress nang walang authority to operate.
Dinagdag pa ni Escudero na hindi nag-apply ang may-ari ng nasabing barko ng CPC.
“So nine times from whatever area it left port, the Coast Guard saw that there was no amended CPC yet covering this vessel,” sabi nito.
Ang CPC ay license to operate o kailangan para makapag-operate ang anumang public services kung saan walang prangkisa, mula municipal o legislative ay kinakailangan ng batas.
Kinuwestiyon din ni Senador Francis Tolentino ang seaworthiness ng M/T Princess Empress kung nainspeksyon ito bago bumiyahe.
“Gusto rin po natin malaman kung gaano katanda na po itong M/T Princess Empress, gaano katagal na po ito sa negosyo, kung ito po ay na-inspeksyon sa kanilang seaworthiness, at kailan po ‘yung inspection,” aniya pa.