
Ni NOEL ABUEL
Tinutulak ng isang kongresista na gamitin ang nakokolektang buwis ng pamahalaan na mahigit sa P380 bilyon bawat taon sa produktong petrolyo para sa oil spill sa Oriental Mindoro dahil sa paglubog ng M/T Princess Empress.
Ayon kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto, sa nasabing buwis ay isang bahagi nito ay maaaring gamitin upang tustusan ang paglilinis ng Mindoro oil spill at bayaran ang mga apektadong pamilya.
“Ang katas ng buwis ng langis dapat gamitin panglinis ng tagas sa lumubog na barko,” ani Recto.
Paliwanag ni Recto, ang isang araw na halaga ng oil tax collections, ang P1 bilyon ay sapat na para maiahon ang kabuhayan ng mga apektadong pamilya sa Mindoro dahil sa nasabing ecological disaster.
Sinabi pa ng mambabatas na pinapaalalahanan nito ang gobyerno sa malaking kita nito mula sa produktong langis at gasolina upang kumbinsihin itong gumastos para sa pagpigil sa oil spill.
“Ang punto ko lang ay whatever you are spending is just a mere drop in the barrel of oil tax collections,” aniya pa.
Naniniwala umano ito na kung ang treasury ay isang tangke ng langis, tama lamang na humigop mula sa mga nilalaman nito upang tugunan ang isang sitwasyon kung saan ang isang partikular na buwis ay sinadya upang maibsan ang epekto ng kalamidad.
“Nature, when it is under threat, as in the case of the oil spill, is entitled to tax dividends,” dagdag pa ni Recto.
Sinabi nito na ang excise tax ay ipinapataw sa mga produktong langis dahil ito ay tinitingnan bilang isang mapanganib na produkto, na nagdudulot ng polusyon at pagkakasakit, at nag-aambag pa sa global warming.
“The argument was that it is paid to compensate for damages to health and the environment. That was how previous administrations framed their justification for higher oil taxes,” sabi nito.
“So can this principle be invoked in the Mindoro oil spill? Can collections of this specific tax be spent for the contingencies used to justify its imposition?” tanong pa ni Recto.
Base aniya sa ginawang pag-aaral ng Kamara, nakakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng P372 bilyon mula sa duties and taxes sa crude oil (P138.9 billion) at petroleum products (P233.5 billion) noong 2021.
Habang sa Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi nitong P7.4 bilyon ang nakolektang excise tax mula sa petroleum products sa kahalintulad na taon.