

Ni NERIO AGUAS
Ipinatapon na ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng Japan ang isang Japanese national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong financial fraud.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, Marso 17 nang lumipad sakay ng Japan Airlines pabalik ng Narita ang dayuhang si Risa Yamada, 26-anyos.
Nabatid na si Yamada ay inaresto ng mga operatiba ng BI fugitive search unit noong Enero 9 sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa Pasay City dahil sa warrant of arrest na inilabas ng Tokyo Summary Court na may petsang Setyembre 15, 2022 sa kasong pagnanakaw
Base sa ulat, si Yamada ay nakipa pagsabwatan sa iba pang suspek sa pagnanakaw ng data mula sa ATM cards ng kanilang biktima sa pamamagitan ng pagkukunwang empleyado ng Bangko at pulis.
Napag-alaman na si Yamada ay isa nang undocumented alien nang ito ay arestuhin dahil ang kanyang pasaporte ay kinansela na ng gobyerno ng Japan.
Inilagay na sa BI blacklist ang nasabing dayuhan upang hindi na ito makabalik ng Pilipinas.