35 Filipino seafarers na biktima ng human trafficking nakauwi sa tulong ng OFW party list

Si OFW party list Rep. Marissa Del Mar Magsino habang abala sa pamamahagi ng tulong sa mga nailigtas na Pinoy seafarers na nakaligtas sa human trafficking.

Ni NOEL ABUEL

Nakauwi na ng bansa ang 35 Filipino seafarers na pawang biktima ng human trafficking sa tulong ng OFW party list group.

Sinalubong ng OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, DFA USec. Eduardo De Vega, DMW USec. Hans Leo Cacdac at Asec. Francis Ron De Guzman, at OWWA Administrator Arnel Ignacio ang tatlumpu’t limang repatriated Filipino seafarers na nakauwi mula sa Namibia.

Naikuwento ng mga sinagip na Filipino seafarers na sila diumano ay nagtrabaho bilang mga mangingisda sa Namibia at nakaranas ng mga paglabag sa kontrata na katumbas ng human trafficking.

Ayon sa ulat, 21 buwan na nakasakay sa barko at nagtatrabaho sa Namibia ang mga biktima nang masangkot ang barkong pinagtatrabahuhan sa illegal fishing kaya’t nasama sa mga nahuli at na-detain ng mga awtoridad ng Namibia ng 7 buwan.

Sa kanilang paglalahad, nagkaroon din anila ng mga paglabag sa kanilang sweldo dahil hindi naibibigay ang kanilang kita nang buo at mas mababa sa exchange rate ang kanilang natatanggap.

Sinabi ng mga seafarers na wala rin silang mga working visa nang unang dumating sa Namibia.

“Matindi ang pinagdaanan ng 35 nating mga kababayan sa kanilang napagtrabahuhan sa Namibia. Hindi ko aakalain na ang mga matitikas na kababayan nating ito ay biglang mapapaluha nang kwinento nila sa amin ang kanilang karanasan. Nang sila’y humingi ng tulong sa ating tanggapan, sa tulong ng mga kaibigan natin sa media, agad kaming nag-usap ni Secretary Toots Ople at ni Usec. Eddie De Vega upang magawan ng paraan ang mabilis nilang pag-uwi mula sa Namibia. Sa buong pwersa ng OFW party list, DMW, DFA, OWWA, ating Embahada sa Pretoria, at Gobyerno ng Namibia, sila’y nakauwi by batches simula March 15 hanggang sa gabi ng March 19. Salamat sa lahat ng tumulong, lalo na sa ating Panginoon sa Kanyang proteksyon at kalinga sa kanila”, saad ni Magsino.

Nakaplano na rin ang imbestigasyon ng DMW sa mga manning agency na diumano’y lumabag sa mga karapatan ng 35 OFWs, nagdala sa kanila sa Namibia nang walang maayos na dokumento, kumubra sa kitang dapat nilang matanggap, at hinayaang sila’y masangkot sa iligal na gawain at ma-detain ng 7 buwan sa Namibia.

Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang gobyerno ng Namibia sa nakitang sitwasyon ng mga seafarers.

Sa mga natuklasang paglabag, kinasuhan ng Government of Namibia ng trafficking-in-persons ang kanilang employer.

“Higit sa kanilang karanasan sa Namibia, nakakalungkot din na sila’y nagtiwala sa mga kapwa Pilipino sa ating manning agencies ngunit itong kapwa Pilipino pa ang nambudol, nagpahamak, at nagpabaya sa kanila. Dapat tanggalan ng lisensya ang mga manning agency na sangkot dito dahil sila ang naging kasangkapang mapasok sa human trafficking ang ating mga kababayan. Patuloy tayong magiging sandigan ng 35 seafarers hanggang sa maibigay sa kanila ang nararapat nilang matanggap at maparusahan ang mga taong nagdala sa kanila sa panganib,” saad ni Magsino.

Isa sa mga adbokasiyang pinaglalaban ng OFW party list, kasama ang DMW at DFA, ang pinaigting na laban sa illegal recruitment at human trafficking ng mga OFWs.

Bunsod ng malawakang dayalogong naganap kasama ng mga ahensya ng pamahalaan noong Pebrero patungkol sa isyung ito, magkakaroon ng mga karagdagang panukalang batas ang OFW party list laban sa illegal recruitment at human trafficking.

Tumutulong din ang OFW party list sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga hakbang nito laban sa human trafficking nga mga OFWs.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s