P150 across-the-board wage hike nagkakalinaw na — Sen. Revilla

Ni NOEL ABUEL

Ikinatuwa ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang nagiging progreso ng panukala para sa legislated nationwide across-the-board wage hike sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso, kung saan mismong si Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri ang nangunguna sa pagpasa ng P150 peso increase sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Matatandaang mula nang maging senador, tuluy-tuloy ang pag-file ni Revilla ng panukala para sa legislated wage increases.

Ayon sa records ng Senado, ipinasa ang SBN2179 noong 14th Congress; SBN1981 noong 15th Congress; SBN937 noong 16th Congress; SBN71 noong 18th Congress; at SBN2018 ngayong 19th Congress.

Si Revilla ang lone author noong 16th at 18th Congress, at kaakibat ang nagpasa ngayong Kongreso si Zubiri na may sariling bersyon ng panukala.

“Sa haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. Ako po ay lubos na natutuwa at nagpapasalamat kay SP Zubiri at sa mga kasamahan natin sa Kongreso na ngayon, nagkakalinaw na itong dekada na nating ipinaglalaban,” pahayag ng beteranong mambabatas.

“Our workers are the backbone of our economy. Kung hindi dahil sa kanilang kasipagan at dedikadong pagtatrabaho, hindi aandar ang mga negosyo at industriya, hindi lalago ang ekonomiya. Utang natin sa kanila kung ano man ang tinatamasang pag-unlad ng bayan ngayon,” paliwanag nito.

Habang kinikilala ni Revilla na kailangang magkaroon ng pagbabalanse ng mga interes, ipinahayag nito ang positibong pananaw na ngayong suportado ito ng pamunuan ng Senado ay tuluyan nang maaprubahan ang legislated na umento sa sahod.

“It is important that we have a living wage. Matagal na itong inaasam ng ating mga manggagawa. I am optimistic,” sabi nito.

Leave a comment