
NI NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Subic ang tinatayang P86 milyong halaga ng asukal na hindi idineklara mula sa bansang Hong Kong.
Sa ulat ni Port of Subic District Collector Maritess Martin, ang 30 20-footer containers ng misdeclared sugar ay nakumpiska ng mga tauhan ng BOC Intelligence Group at Enforcement Group noong Marso 15.
Ayon kay Martin, naglabas ito ng Pre-Lodgment Control Orders kasunod ng natanggap na derogatory reports mula sa IG at EG laban sa mga nasabing containers na idineklarang naglalaman ng slipper outsoles at styrene butadiene rubber subalit nang isailalim sa imbestigasyon ay natuklasan na naglalaman ito ng refined sugar.
Nagsagawa rin ang BOC ng non-intrusive examination at 100 percent physical examination kung saan nagresulta ito ng pagkakasabat ng 15,648 bags/sacks ng refined sugar.
Kasama ni Martin sina Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary James Layug, at kinatawan ng Sugar Regulatory Agency (SRA) nang isagawa ang physical examination sa nasabing illegal na kargamento.
Nagpalabas na ang BOC ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa kargamento na paglabag sa SRA at BOC Joint Memorandum Order No. 04-2002 na may petsang Aug. 16, 2002, at Section 1400, in relation to Section 1113 (f) ng Republic Act No. 10863, o mas kilalang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
