
NI NOEL ABUEL
Kinastigo ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang Bureau of Immigration (BI) matapos nitong maglabas ng pahayag ukol sa nag-viral na offloading incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.
Sa isang viral video na umikot sa social media, detalyadong ikinuwento ng isang pasaherong papunta sana sa Israel ang kanyang naging karanasan sa kamay ng isang Immigration Officer (IO) nang siya’y isailalim sa puro “walang-katuturan” na pagtatanong hanggang sa pwersahin pa itong i-produce ang kanyang school yearbook.
Dahil dito ay naiwan ang pasahero ng kanyang flight sa kabila ng pagpunta sa airport ilang oras bago umalis kung saan kinailangan pa nitong gumastos mula sa sariling pera sa rebooking.
Ayon kay Revilla, marami nang natatanggap na reklamo ang kanyang tanggapan ukol sa offloading nitong nakaraang taon pa at kanila nang iniimbestigahan ang isyu, hanggang sumambulat na nga ito.
“Tinitingnan na namin ito since last year, at eto at pumutok na. Mismong kaibigan ni Congressman Bryan Revilla na papasyal lang sa Singapore twice in-offload despite our correspondence with BI,” kwento nito.
“Ang katwiran ng BI, iba raw ‘yung nasa legal at head office nila sa mga nasa airport. Wala raw silang control sa mga nasa airport. Tama ba ‘yun?,” kanyang pagtatanong.
Pinuna rin ni Revilla ang kasalukuyang polisiya ng BI sa pag-offload na ayon dito ay kung may marangal man na hangarin ay hindi kaaya-aya ang nagiging resulta.
“Sa pagkakataong ito, it looks like the solution being implemented is worse than the problem,” ani Revilla.
Ayon sa statement na inilabas ng BI, sa 32,404 na pasaherong kanilang in-offload noong 2022, 472 lamang ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang umano’y nag-misrepresent sa kanila, at 10 ay mga menor-de-edad.
“Sa lagpas 30,000 na in-offload at inabala ng immigration na ‘yan, wala pang 4.2% niyan ang may semblance of basis. Mas nakakagalit, only 1.45% ang sinasabi nilang connected sa human trafficking,” punto ng mambabatas.
“Over 95% talagang inabala at pinagastos lang. Ibig sabihin, isa lang sa bawat dalawampung in-offload nila ang medyo may basis. ‘Di ba kalokohan ‘yan?. Sobrang daming naabala. Sobrang daming nasayang na oras at pera. This really says something about the accuracy and efficiency of their [Bureau of Immigration] performance,” paliwanag pa ni Revilla.
“Anong nangyayayari sa Bureau of Immigration? Nakakahiya! Hindi ganyang klase ng serbisyo publiko ang dapat natatanggap ng mga tao. Ngayon kasi, para bang all Filipinos are human traffickers unless proven otherwise! Bakit ninyo hahanapan ng yearbook? Bakit ninyo hahanapan ng graduation photo? Hindi ko maisip para saan. Our people deserve to be treated better, if not fairly. Kaya kung hindi ninyo matutuwid iyang di matapus-tapos na kalokohan ninyo, mag-resign na lang kayo!,” paghihimutok ng senador.
Tuloy-tuloy pa rin aniya ang pag-offload ng BI sa kabila ng mga patakarang inilatag sa Memorandum Circular No. 036, s. 2015 ng Department of Justice na nagtakda ng revised guidelines sa Departure Formalities for International-Bound Passengers.
“Only when a tourist passenger is identified by the immigration officer to have doubtful purpose of travel, fraudulent, falsified or tampered travel documents, or identified as a potentially trafficked person may he/she be not cleared for departure or recommended for deferred departure and turned over to the Travel Control and Enforcement Unit.” At “[a]s much as practicable, secondary inspection shall not exceed 10 minutes unless extraordinary circumstances require a longer period of inspection,” ayon sa circular.