Fixed term ng mga opisyal ng AFP pinagtibay na ng Senado

Senador Jinggoy Estrada

Ni NOEL ABUEL

Pormal nang pinagtibay ng Senado ang bicameral conference committee report sa napagkasunduang bersyon ng panukalang batas na nagtatakda ng edad na 57-taong gulang para sa pagreretiro ng mga opisyal ng militar at enlisted personnel.

Sa ikatlong panukalang batas na ipinasa ng Senado sa ilalim ng kasalukuyang 19th Congress, mananatili ang tatlong taong maximum tour of duty para sa AFP Chief of Staff na itinakda sa ilalim ng Republic Act 11709, maliban kung aalisin siya sa puwesto ng Pangulo ng mas maaga.

Ang commanding generals ng tatlong pangunahing serbisyo — Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy – at ang superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) ay magreretiro matapos makumpleto ang kanilang dalawang taon na maximum tour of duty maliban na lang kung paiigsiin ito ng Pangulo.

“Nakapagbalangkas kami ng isang balancing act na makakapag-maximize sa tour of duty ng AFP Chief of Staff at iba pang pangunahing opisyal na maaaring paiigsin ng Pangulo kung nanaisin niya. Ito ang best option para matugunan ang unintended consequences nitong batas na nagtatakda ng fixed tour of duty ng mga matataas na opisyal ng military,” paliwanag ni Senador Jinggoy Estrada patungkol sa RA 11709 o ang Act Strengthening Professionalism in the AFP.

“Nabuo namin ito matapos ang mga isinagawang public hearings, konsultasyon sa mga opisyal ng AFP, regular na komunikasyon sa matataas na opisyal ng military, Defense Department at malawak na deliberasyon ng mga miyembro ng Senado,” dagdag pa ni Estrada, pangunahing may-akda at sponsor ng Senate Bill No. 1849.

Sinabi pa ng chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security na sinikap ng mataas na kapulungan na mapanatili ang mga layunin ng RA 11709 na pinaiigting ang propesyonalismo at sinisiguro na maipagpapatuloy ang mga polisiya at modernisasyon ng AFP.

Tinutugunan din ng nasabing batas ang sinasabing unintended consequences sa pagpapatupad dito, partikular na sa pag-unlad ng karera ng mga military personnel.

“Matapos ang dalawang araw na debate sa plenaryo at mahigit apat na oras na deliberasyon ng bicameral conference committee, nakagawa tayo ng masasabi natin na best version ng pag-amiyenda sa RA 11709 para matiyak na ang ating AFP ay mananatiling isang organisasyon na aktibo at makatutugon sa mandato ng Konstitusyon na ito ay maging tagapagtanggol ng publiko at ng Estado pati na ng integridad ng pambansang territory,” sabi ni Estrada.

Bago naging ganap na batas ang RA 11709, walang tiyak o itinatakdang bilang ng taon na makapagsisilbi sa kanyang termino ang AFP Chief of Staff.

Sa ilalim ng RA 8186, ang unang batas na nagtatakda ng porsiyento para sa pamamahagi ng bilang ng mga heneral sa AFP, mandatory retirement age na 56 na pinapataw sa Chief of Staff at iba pang unipormadong miyembro ng Armed Forces.

Ang naturang panukala na tatawaging “An Act Further Strengthening Professionalism and Promoting the Continuity of Policies and Modernization Initiatives in the Armed Forces of Philippines, and Amending for this purpose RA No. 11709,” ay sasaklaw sa lahat ng opisyal at enlisted personnel ng AFP, gayundin sa mga itinalaga o mga na-promote sa ilalim ng RA 11709 at iba pang nauugnay na batas.

Leave a comment