Kaso vs BI personnel suportado ni Tansingco

Ni NERIO AGUAS

Ikinagalak ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang ulat na tinuluyan ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kaso ang isang babaeng immigration officer na nasa likod ng pagpapalusot sa mga Pilipinong na-recruit para maging scammer sa Cambodia.

Sinabi ni Tansingco na natanggap nito ang mga ulat na sinimulan ng NBI ang paghahain ng kaso laban sa nasabing immigration officer, kasama ang tatlong iba pa na nauugnay sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ng bansa, Illegal Recruitment sa Large Scale, at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kasama sa mga kinasuhan sina Rachel Almendra Luna alyas Kate, Princess Batac Guerrero, John Paul Angelico Tan Sanchez, at Immigration Officer 1 Alma Grace Ambrocio David.

Matatandaang noong nakaraang Enero 15, anim na hinihinalang biktima ng crypto trafficking ring ang nailigtas sa BI Clark International Airport matapos tangkaing sumakay ng Jetstar flight papuntang Phnom Penh.

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration – Travel Control and Enforcement Unit (BI-TCEU) ang mga biktimang sina Criselle Joy Alban, Jamela Tabilid Binosa, Jornel Gumba Gamban, John David Santos Tupas, Aji Nicole Batlag Sugabo, at Rangelyn Bucao Yanson.

Ang mga biktima ay nagpanggap na mga turista, ngunit napag-alamang na-recruit sa isang call center sa Cambodia, at na-recruit sa pamamagitan ng social media application na Facebook.

Base sa record ng BI, nabigyan ng clearance ang mga biktima ng isang immigration officer na may stamp number na 0254 na kalaunan ay natunton kay David, base sa duty schedule ng kawanihan sa airport.

“The immigration officer involved in this case was immediately relieved, and her case was elevated to the Department of Justice. We welcome this latest development in the case against her, and we hope this serves as a warning against any government employee not to associate with traffickers and illegal recruiters,” sabi ni Tansingco.

Ibinahagi rin ni Tansingco na ang nasabing immigration officer ay naiulat na siya ring nagproseso ng tatlong biktima na pinauwi noong Pebrero 26 mula sa Cambodia matapos mabiktima ng trafficking ring.

Leave a comment