Banta ng water crisis pagtulungan– Sen. Binay

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Nancy Binay sa publiko na simulan na ang pagtitipid ng tubig ngayong nahaharap sa water crisis ang bansa dahil sa epekto ng El Niño.

Ayon sa senador matagal nang panahon na nakakaranas ng krisis sa tubig ang bansa kung kaya’t hindi na bago ito sa mga Filipino.

“Ang isyu po ng water crisis at El Nino ay isyu po nating lahat. Meron po tayong bahagi sa solusyon, at di ito nakapatong sa balikat ng iisang sektor, institusyon, ahensya o kompanya–kailangan may paghahanda ang lahat,” sabi pa ni Binay.

“Ilang dekada na po tayo laging apektado ng El Niño, pero parang tuwing dumarating ang tag-init, nabubulaga tayo dahil salat na pala ang ating water supply,” dagdag nito.

Nanawagan din ang senador sa National Water Resources Board (NWRB) na ibahagi sa mga local government units (LGUs) ang water resource plan nito.

“On the part of government, it would be much appreciated if the NWRB can share its holistic and comprehensive water resource plan, their water allocation and reuse policy down to the LGUs so that it can be implemented in the community level,” pahayag pa ng senador.

“Gusto rin natin malaman na mula nang maisabatas ang RA 6716 noong 1989, ilang rainwater collection system (RWCS) na ba sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa ang nagawa o ginagawa ng gobyerno–sino ang in-charge sa maintenance, ilan dito ang sira na, ang kailangan i-rehabilitate o ilan na lang ang gumagana,” pag-uusisa pa ni Binay.

Leave a comment