
HINDI ko alam kung tama ba ang ginamit kong salita sa titulo na PANAWAGAN KAY SOJ BOYING REMULLA!
Baka kasi mas angkop ang titulo na BABALA KAY SOJ BOYING REMULLA!
Tungkol kasi ito sa dalawang night clubs na Apeiro KTV sa Roxas Boulevard sa Parañaque City at Shanghai Nights sa Alabang, Zapote, Las Piñas City.
Nabatid na nakarating sa kaalaman ni Remulla na ang naturang dalawang klab ay ginagamit bilang recruitment ground ng Pilipinas para sa ‘white slavery’ at ‘human trafficking’ papalabas ng bansa.
Galit na ipinag-utos ni Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) na magkasa ng agarang operasyon upang sagipin ang mga kababaihan sa naturang lugar saka hulihin, kasuhan at ikulong ang mga may-ari nito.
Sinabi ng ating impormante sa NBI na nasa kamay na ng ahensiya ang naturang kautusan na inilabas may dalawang linggo na ang nakararaan.
Eto ngayon ang siste, Sec. Boying, sir!
Hanggang ngayon po ay inuupuan lamang ito ng NBI.
Hindi natin alam kung masyado lang bang busy si NBI chief Medardo de Lemos kaya kahit utos ng boss niyang si SOJ Remulla ay hindi inaaksyunan.
Ang masaklap, isang deputy director ng NBI pa ang tumawag sa may-ari ng dalawang klab para ipaalam na ipinapa-operate sila ni SOJ!
Natural, ang ginawa ngayon ng may-ari ng klab ay nagbago ng sistema sa operasyon.
Una na rito ay inilipat ang lugar na ‘tulugan’ ng mga ‘stay-in’ na kababaihang napipiliting sumabak sa prostitusyon.
Unti-unti ay hindi na raw ito nagpapa-bold show at paminsan-minsan ay hindi na rin pinapayagan ang ‘quickie sex’ sa loob ng VIP room.
Sa unang tingin ay magandang ‘development’ ito dahil kahit papano ang sinasabing ‘bentahan ng aliw’ ay nababawasan.
Ngunit sa kabuuan ay napakalaking panganib ito hindi lamang sa mga kababaihang biktima ng human trafficking, kundi sa pamahalaan na rin mismo na may matinding kampanya laban sa talamak na human trafficking!
Pinatutunayan dito na masyadong malawak na ang galamay ng ‘white slavery’ at ‘human trafficking’ sa bansa na ultimo Justice Secretary ay pinaglalaruan ng sindikato.
Ngayon lang tayo nakarinig na sa halip sundin ang kautusan ng isang Justice Secretary ay hindi inaaksiyunan ng NBI.
Ang pangit pa rito ay isang deputy director ng NBI ang tumawag sa klab owner para ipaalam ang planong operasyon laban sa kanilang establishments.
Ang nasabing pangyayari ay pinagmamalaki pa ng isa sa club owner kasabay ng pagyayabang na hindi siya kaya ni Sec. Boying Remulla.
Kasi ay super lakas siya sa mga matataas na opisyal ng NBI, PNP at Bureau of immigration (BI).
Kaya nga mismong deputy director pa raw ng NBI ang nagtimbre sa kanya na ‘magpalamig’ muna hanggang ‘mainit’ pa ang sitwasyon.
Ang masaklap pa rito, iniyayabang din ng may-ari ng klab na hindi rin daw siya kayang ipaaresto ni Sec. Boying dahil super bagyo siya sa isang opisyal ng KAMARA, gayundin sa mga NBI, PNP at BI officials, lalo na kay Commissioner Norman Tansingco.
Kaya nga raw ang ‘marching order’ nito na ipasalakay ang kanyang klab ay hinding-hindi mangyayari.
Sa ganang akin, masyadong hinahamon ng Apeiro at Shanghai Night Club ang kakayahan ni Sec. Boying!
Kaya nananawagan ako at nagbibigay babala sa idol nating Justice secretary na magduda na kung bakit nga ba hanggang ngayon ay walang ginagawang aksiyon ang NBI.
Mas tigasin ba ang Apeiro at Shanghai Nights kaysa kay Sec. Boying?
O talagang super laki lang ang ibinibigay na pera sa NBI kaya kahit utos ng Justice secretary ay hindi sinusunod ng naturang ahensiya.
Malaking hamon ito sa magaling at matapang na si DOJ Secretary Boying Remulla kaya abangan natin ang susunod na kabanata!
At bago ako magtapos ay tulungan n’yo akong ipakalat ang hashtag na #NoToHumanTrafficking, #WagGawingPutaAngPinay, #GibainAngTongpatSaNBI at #GoSOJ!
***
Anumang reaksyon o suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 0915-7412674.