
Ni JOY MADELINE
Pinuri ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga opisyal at tauhan ng Caloocan City Police Station (CCPS) sa walang patid na pagsisikap ng mga ito na maging ligtas ang lungsod.
Ginawa ng alkalde ang pahayag kasunod ng pagkakaaresto ng CCPS sa isang most wanted person na sangkot sa pagpatay at frustrated murder.
“Muli nating ipinaabot ang ating pasasalamat sa ating kapulisan sa isa na namang matagumpay na operasyon kontra sa kriminalidad at pagkakahuli sa isa sa mga Most Wanted para sa kasong murder sa lungsod,” sabi ni Malapitan.
Nakilala ang nadakip na suspek na si Efren Delos Santos Loquinario, 48-anyos, furniture helper at residente Area A, Libis, Barangay 175, Camarin, Caloocan City ng mga tauhan ng CCPS sa pangunguna ni PMaj. Jeraldson Ricera at PCpt. Romel Caburog.

Ayon kay CCPS Officer-in-charge PCol. Ruben Lacuesta, ang suspek ay nahaharap sa kasong Criminal Case No. 118048 at 118047, kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte dahil sa kasong murder at P200,000 piyansa naman sa kasong frustrated murder na inilabas ni Hon. Rodolfo P. Azucena Jr., Presiding Judge ng RTC-125, Caloocan City.
