
Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng dokumento.
Sa impormasyon na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa border control and intelligence unit (BCIU) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kinilala ang inarestong dayuhan na si Ning Haochao, 24-anyos.
Nabatid na noong nakalipas na Marso 24 nang maharang ang nasabing dayuhan sa NAIA terminal 3 bago pa makasakay sa Cebu Pacific flight patungong Xiamen, China.
Base sa ulat, nang dumaan sa immigration counter si Ning ay napansin na peke ang isinumite nitong emigration clearance certificate (ECC).
Natuklasan din na ang nasabing dayuhan ay nakatala sa blacklist ng BI dahil sa pagiging overstaying.
“Let this serve as a warning to overstaying aliens. Do not use spurious immigration documents because such trick will not go undetected by our officers at the airport,” sa kalatas na inilabas ni Tansingco.
Kasalukuyang nakadetine sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Ning habang inihahandan ang pagpapa-deport pabalik ng bansa nito.
Awtomatiko ring hindi na makakabalik ng Pilipinas si Ning dahil sa ilalagay ito sa blacklist order ng BI.
