
NI NERIO AGUAS
Aabot sa 12-katao ang iniulat na nasawi habang may mga sugatan din makaraang masunog ang isang pampasaherong barko sa karagatan sakop ng Basilan Miyerkules ng gabi.
Sa inisyal na ulat, ang panibagong kaso ng aksidente na kinasasangkutan ng mga barko ay nangyari sa kadiliman ng gabi sa Baluk-Baluk Island, Hadji Muhtamad.
Ayon kay Governor Mujov Hataman Salliman, nasunog ang MV Lady Mary Joy na may sakay na mahigit sa 200 pasahero at 30 crews sa nasabing lugar.
Agad naman rumesponde ang Search and Rescue (SAR) Team mula sa Coast Guard Sub-Station Maluso, kabilang sa mga naunang naiulat ang tatlong paslit habang nasa 57 pasahero ang nailigtas kabilang ang 14 na agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan dahil sa tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng nasabing sunog kung saan patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
Pinangangambahan naman na dahil sa nasunog na barko ay magdulot ito ng pagkalat na langis.
Ipinadala na rin ng PCG ang PCG Vessels BRP Cape Engaño, BRP Tubbataha at MCS 3007, para magsagawa ng search and retrieval operations sa mga hinahanap pa ring nawawalang pasahero.
Inaalam din kung may senyales na oil spill sa nasabing aksidente.
