Solon sa BI: Huwag masyadong maghigpit sa mga OFWs

Rep. Marissa “Del Mar” Magsino

NI NOEL ABUEL

Nanawagan ang isang kongresista sa Bureau of Immigration (BI) na huwag maging “OA” o overacting sa pagtupad ng tungkulin partikular ang pagtrato sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Giit ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, matagal na nitong ipinapanawagan sa BI na sa halip na magpatupad ng sobra-sobrang paghihigpit sa mga umaalis na pasahero papunta sa ibang bansa ay gawin na lamang ng mga ito na tama at naaayon.

Sinabi pa nito na bago pa pan lumabas sa mga social media ang mga viral post ng mga OFWs tungkol sa mga naranasang pagkaka-offload ay sumulat na ito sa BI noong Oktubre 2022 hinggil sa reklamo ng mga OFWs sa usapin ng offloading kahit pa kumpleto ang kanilang mga dokumento.

“Mainit ang usapin ngayon patungkol sa offloading sa ating mga OFWs. Bago pa man ang viral posts ng ating mga kababayan, tayo ay sumulat na sa Bureau of Immigration (BI) noong Oktubre 2022 tungkol sa mga reklamo ng ating OFWs sa issue ng offloading kahit pa kumpleto ang kanilang mga dokumento,” sabi ni Magsino.  

Maliban sa liham sa BI, nagbigay rin ng privilege Speech si Magsino sa plenaryo ng Kamara noong Nobyembre 21, 2022 kung saan kanyang idinetalye ang issue ng offloading ng OFWs kahit mayroong valid Overseas Employment Certificate (OEC) at mga visa.

Inihayag din ni Magsino ang obserbasyon ng ibang OFWs na hindi magandang pakikitungo sa kanila ng ibang kawani ng BI lalo na’t kung sila’y hindi nakasuot ng magarbong kasuotan.

“Bagamat naiintindihan natin ang kahalagahan ng ating laban sa illegal recruitment at human trafficking, ito ay hindi dapat humadlang sa interes at karapatan ng mga OFWs na makaalis ng bansa kung ang mga dokumento naman ay kumpleto at lehitimo.  Kaya’t patuloy tayong tututok at mangangalampag sa mga ahensya natin na repasuhin ang proseso, sistema, at training sa ating departure policies,” paliwanag pa nito. 

Leave a comment