
Ni NOEL ABUEL
Pansamantalang hahawakan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang ikatlong distrito ng Negros Oriental habang suspendido si Rep. Arnolfo “Arnie” Teves sa loob ng dalawang buwan.
Ito ay naging epektibo sa pamamagitan ng House of Representative Memorandum Order No. 19-017, na may petsang 23 Marso 2023, na inilabas ni Speaker Romualdez.
“In the interest of the people of the 3rd District of Negros Oriental, the undersigned shall act as the Legislative Caretaker of the 3rd District of Negros Oriental for the period 23 March 2023 to 22 May 2023. This order takes effect immediately,” ayon sa memorandum order na nilagdaan ni Romualdez.
Una rito, tiniyak ni Romualdez sa mga mamamayan ng Negros Oriental na naibalik na ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang lalawigan at partikular sa ikatlong distrito.
Tradisyonal na nagiging caretaker ang lider ng Kamara dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang pagtatalaga sa isang posisyon sa gabinete, pagkakasuspende, o pagpapatalsik ng isang miyembro.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, si Romualdez at pansamantalang magiging caretaker ng ikatlong distrito ng nasabing lalawigan sa loob ng 60-araw na suspensyon ng Kamara noong Marso 23 laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” A. Teves dahil sa kasong misconduct.
Inirekomenda ng House Committee on Ethics and Privileges ang pagsuspende kay Teves, na isinasangkot sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at walong iba pa, dahil sa hindi pag-uwi at pag-uulat para sa trabaho sa kabila ng nagtapos na ang travel authority nito noong Marso 9.
Si Teves, na huling natukoy sa Estados Unidos para sumailalim sa medical treatment, ay tumangging bumalik ng bansa dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay.
“The representative’s stay abroad with expired travel clearance and his continued defiance to the orders of the House and the Committee to return to the country and perform his duties as a House member constitute disorderly behavior affecting the dignity, integrity, and reputation of the House of Representatives, which warrant disciplinary action,” ayon sa tree ekomendasyon ng Ethics Committee.
Paulit-ulit na nakiusap si Romualdez kay Teves na bumalik sa bansa para makaasikaso ang kanyang trabaho at kasabay nito ay harapin ang mga akusasyon laban sa kanya, at tiniyak na bibigyan ito ng naaayong hustisya at katarungan.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabi kay Teves na ligtas ito sa kanyang pag-uwi ng Pilipinas.