
ANG tibay talaga ng mga may-ari ng Apeiro KTV sa Roxas Boulevard, Parañaque City at Shanghai Nights sa Alabang, Zapote, Las Piñas City!
Akalain n’yo, kahit Semana Santa ay tuloy ang paghahasik nila ng lagim sa mundo ng white slavery, human trafficking at prostitusyon!
Nangyayari ito kahit ngayong linggo ng Semana Santa.
Ayon sa ating impormante, nitong nakalipas na Linggo ng gabi o Banal na Araw ng Palaspas, tuloy ang ligaya sa naturang klab.
Talagang kikilabutan ka dahil habang iniwawagayway ng mga deboto sa Simbahan ng Baclaran ang kanilang mga biniling palaspas para pabendisyunan sa pari, iba naman ang iwinawagayway sa Apeiro KTV.
Ito’y walang iba kundi ang mga hubu’t hubad na katawan ng mga babaeng nasadlak sa prostitusyon.
Ang Apeiro, para sa kaalaman ng lahat ay halos 50 metro lamang ang layo sa Simbahan ng Baclaran!
Kaya hindi natin alam kung saan ba talaga humuhugot ng kapal ng mukha at tapang ng apog ang mga may-ari nito.
Parang gusto ko na talagang maniwala na mala-Ondoy at Yolanda ang lakas ng may-ari nito sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil hanggang ngayon, nagbabalik sigla ang putahan sa dalawang binanggit nating klab.
Ang Apeiro at Shanghai Nights kung inyong matatandaan ay personal na iniutos sa NBI ni Justice Secretary Boying Remulla, may tatlong linggo na ang nakararaan.
Pero sa hindi malamang dahilan hanggang ngayon ay walang ginagawang aksiyon ang tanggapan ni NBI Director Medardo de Lemos.
Ang siste pa, isang Deputy Director ng NBI daw ang tumawag sa may-ari ng mga naturang klab upang ipaalam na pinapa-operate sila ni SOJ!
Nasabi ko na kamakailan na masyadong mapanganib ang ganitong impormasyon.
Ngayon lang tayo nakakita na mismong SOJ ay hindi sinusunod ng NBI!
Ngayon lang din tayo nakakita na mas matapang pala ang mga iligalista na katulad ng mga club owner kasi sa Justice secretary.
Ibig bang sabihin mas batas pa ang lakas at habana ng mga may-ari ng klab kesa sa ating magiting na SOJ?
Ayaw kong isipin na may perang involved dito dahil naniniwala tayo sa sinseridad sa trabaho ng ating Justice secretary.
Kaya lang sobra talaga yabang ng tulisan na club owner.
Multi-million peso raw ang ginagastos nilang intelihensiya sa PNP, NBI at kahit sa Bureau of Immigration (BI).
Sabagay, kung magpatalo nga pala sa casino ang isa sa may-ari nito ay kulang ang P30-50 million kada gabi.
Tatanungin n’yo pa kung saan galing ang perang ipinapang-casino?
Natural sa high end na prostitution, white slavery at human trafficking na ang kanilang parokyano ay mga POGO operators!
Kung may ILLEGAL DRUGS na involve rito, iyan ay dino-double check pa natin dahil baka nga available ito sa MERKADO!
***
Anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674
