
NI NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na wanted dahil sa kinakaharap nitong kaso sa Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, hindi na nakapagkaila ang 53-anyos na dayuhan nang usisain ito ng BI personnel hinggil sa warrant of arrest na inilabas laban dito dahil sa kasong lascivious conduct.
Nabatid na bago ang pagkakadakip, nagtangkang mag-renew ng dalawang buwang tourist visa nito sa Makati Extension Office ang di pinangalanang US national kung saan nang sumailalim ito sa ebalwasyon at derogatory check ay natuklasan na kasama ito sa Active Alert List ng BI na inilabas ni Tansingco.
“During the evaluation and derogatory check, our BI officers in Makati found out that the accused is included in the BI’s Active Alert List which was issued last Feb. 6,” ani Tansingco.
Base sa record, naglabas ng warrant of arrest ang Lapu Lapu City Family Court of the Seventh Judicial Region noong Nobyembre 9, 2022 matapos na magsampa ng kaso ang prosekusyon ng dalawang kaso ng paglabag sa Section 5(b), Article III ng Republic Act No. 7610 o Lascivious Conduct.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) Makati Warrant Section ang nasabing dayuhan dahil ito ang nagsilbi ng WOA.
Babala pa ni Tansingco laban sa mga dayuhan na nagtatago sa bansa at gumagawa ng krimen na hahanapin at papanagutin.
“If these foreigners want to enjoy their stay in the Philippines, they should learn how to respect our people especially our women and children.The law will not condone such acts. If proven guilty, he then shall serve his sentence and be deported thereafter,” aniya pa.