EU hindi nagkamali sa Pinoy seafarers — Sen. Marcos

Ni NOEL ABUEL

Naniniwala si Senador Imee Marcos na dahil sa kakulangan ng mga marino sa maritime industry kung kaya’t binawi ng European Union ang desisyon nito na hindi kilalanin ang sertipikasyon ng Pinoy seafarers.

Ayon sa senador dahil sa desisyon ng EU ay nakatulong ito para mabawasan ang kinakaharap na problema ng mga Pinoy seafarers.

Ngunit sinabi ni Marcos na hindi pa rin dapat maging kampante ang mga Pinoy seafarers.

“Kinatatakutan ko na ang probisyon sa Magna Carta ng Pinoy Seafarers, na kapapasa lang kamakailan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay naglalagay sa panibagong bugso ng peligro ng pagbusisi ng European Union welfare standards watchdog at muling maging dahilan ng kawalan ng kapanatagan sa trabaho ng mga marinong Pinoy,” sabi ni Marcos.

“Bilang pinuno ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, intensyon kong kuwestyunin ang probisyon na ang mga pinansyal na benepisyo ng mga marino kapag ito ay namatay o tinamaan ng matinding karamdaman ay itatabi muna hanggang sa hindi nabibigyang konklusyon ang mga legal na proseso para dito. Paanong ang mismong Magna Carta ang naglalagay sa mga marino sa diskriminasyon, gayong lahat ng Pinoy worker ay nakakakuha agad ng kanilang mga kompensasyon?,” tanong ng senador.

Nabatid na ang kakapusan ng seafarers sa buong mundo ay tinatayang aabot sa 90,000 pagsapit ng 2016.

Ito aniya ay sa gitna ng walang katapusang giyera sa Eastern Europe, mananatiling malabo ang kadalasang supply ng mga marinong Russian at Ukranian.

“Ang isang pangmatagalang solusyon para mas maging competitive ang mga Pilipinong marino ay ang isang katumbas na kasunduan ng pagtutulungang pang-edukasyon at teknikal mula sa mga maritime countries para sa potensyal na pagtulong din ng Pilipinas. Ang mga paaralang maritime ay kailangang masangkapan ng mas marami pang mga simulator at i-update ang pagsasanay sa barko,” ayon pa kay Marcos.

Nanindigan ang mambabatas na ang mga Pinoy seafarers ay may magandang reputasyon kung kaya’t marami ang kumukuha sa serbisyo ng mga ito.

“In-demand ang mga Pinoy seafarers dahil sa kanilang reputasyon na madaling matuto, may natural na skills o kaalaman at may magandang ugali sa trabaho, na kadalasang handang mag-overtime o magtrabaho sa mas mahabang oras,” sabi nito.

“Ang tinatayang 50,000 Pilipino ang bumubuo sa humigit-kumulang 20% ​​ng mga marino sa mga barko ng EU. Ang pagpapanatili ng kanilang mga trabaho at paglikha ng mga bago ay nakasalalay sa maagap at tuloy-tuloy na aksyon ng gobyerno,” dagdag pa ni Marcos.

Leave a comment