Solusyon sa trapiko sa NAIA dapat na solusyunan– solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad na gumawa ng komprehensibong solusyon upang matugunan ang mga isyu ng trapiko sa mga paliparan lalo na ngayong panahon ng bakasyon.

“Napakaganda na po ngayon ng ating mga bagong airports at seaports. Though hindi talaga perpekto ’yung mga international airport natin, lalung-lalo na ‘yung Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kailangan talagang i-improve pa at ma-address ‘yung congestion diyan. At malaki po ang tiwala ko na sana po’y ma-improve pa itong serbisyo diyan sa Manila airports na talagang naka-clogged up at nabu-burden ‘yung mga pasahero,” paliwanag ni Go.

Ibinahagi rin ni Go na alinsunod sa Build, Build, Build, program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, suportado ng huli ang pagtatayo ng isa pang paliparan sa Bulacan, upang matiyak na mas maraming Pilipino ang maginhawang makabiyahe at matugunan ang trapiko sa mga paliparan sa Maynila.

Bukod dito, nagpahayag ng suporta si Go sa Build, Better, More program ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para mapahusay ang mga imprastraktura, kabilang ang mga paliparan, para mapalakas ang turismo at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

“Natutuwa rin po ako na magkakaroon na ng bagong airport diyan po sa Bulacan. Mayroon naman pong airport din sa Clark, iyan po rin ‘yung proyekto ni dating Pangulong Duterte. Sana lumuwag na po ‘yung congestion diyan po sa airport sa Maynila,” sabi nito.

Pinayuhan din ng senador ang mga Pilipino na dumating ng mas maaga sa airport bago ang kanilang mga nakatakdang flight upang maiwasan ang anumang abala o pagkaantala na maaaring mangyari sa proseso ng check-in at seguridad.

Noong nakaraan, naglabas din ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng kahalintulad na pahayag kung saan hinimok nito ang mga Pilipino, lalo na ang mga lumilipad sa ibang bansa, na maging mas maaga ng dalawa hanggang apat na oras sa kanilang nakatakdang paglipad, dahil inaasahang hindi bababa sa 20,000 pasahero ang inaasahang aalis ngayong Semana Santa.

Samantala, ipinagpapatuloy ni Go ang kanyang apela sa mga kinauukulang awtoridad na bumuo ng isang mas mahusay at mas malakas na airport management system, kabilang ang mga contingency plan, kasunod ng nakaraang aberya sa NAIA air traffic control.

“Kapag nag-shutdown, dapat agad may back up, may contingency plan kaagad. Hindi po katanggap-tanggap ‘yan na paulit-ulit na nangyayari. Nandiyan naman po ang gobyerno, nandiyan naman po ang DOTr (Department of Transportation), nand’yan naman po ang CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines), at trabaho nila na tingnan nang mabuti kung ano bang mga equipment ang kailangan para hindi maulit,” giit ni Go.

“Isipin natin na nakasalalay po ang buhay ng mga pasahero na nasa ere kung sakaling lumipad na po sila at sabay-sabay pong magkaroon ng aberya ang ating traffic control, maaberya po ang eroplano. Nasa panganib po ang buhay ng ating mga kababayan, mga pasahero,” dagdag pa nito.

Leave a comment