
Ni NERIO AGUAS
Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ikalimang bahagi ng flood control project sa Labong River sa munisipalidad ng Licab, Nueva Ecija na naglalayong protektahan ang mga lugar ng bukiran at tirahan mula sa pangmatagalang pagbaha.
Iniulat ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller A. Tolentino kina DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at Undersecretary for Operations sa Central Luzon Roberto R. Bernardo na ang DPWH Nueva Ecija First District Engineering Office (DEO) ang nagtayo ng P96.5-million, 514- lineal-meter flood mitigation structure sa Labong River sa Barangay Villarosa.
Ayon kay Tolentino, ito ang bahagi ng bayan ng Licab na ikinokonsiderang catch basin sa tuwing nagkakaroon ng pagbaha.
Base sa DPWH Nueva Ecija First DEO’s Engineering Survey and Investigation Unit, ang flood levels na nagmula sa Labong River’s riverbed ay maaaring tumaas ng hanggang 5.5 meters at makakaapekto sa mga kalapit na komunidad sa panahon ng tag-ulan.
Ang Barangay Villarosa Flood Control Structure ay isang bahagi ng isang multi-year program para magtayo ng mga bank protection wall sa tabi ng Labong River.
Mula nang magsimula ito noong 2016, kabuuang P416 milyon na ang inilaan sa pagtatayo ng 3.33 linear kilometers ng protective structures.
Samantala, ang ikaanim at huling yugto ng proyekto na kinabibilangan ng pagtatayo ng isang flood control structure na may kabuuang haba na 462 lineal meters ay nagsimula na sa pagpapatupad noong Pebrero 2023 at ngayon ay isinasasaayos na lamang.
