
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangangailangan para sa pagpasa ng Senate Bill No. 1185, o ang modernisasyon ng Bureau of Immigration (BI), na naglalayong mapabuti ang mga serbisyo nito sa pamamagitan ng pag-upgrade sa mga sistema, pasilidad, at ng mga tauhan.
Ito ang pahayag ng senador kasunod ng mga isyu ng umano’y katiwalian at inefficiency na nagdulot ng iba’t ibang insidente ng pag-offload partikular sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
“We need to modernize our BI to address the long-standing issues of corruption, inefficiency, and offloading that have plagued the agency,” sabi ni Go.
“We must provide a more efficient and effective service to the public, especially to our OFWs and foreign tourists who contribute significantly to the country’s economy,” dagdag pa nito.
Una nang kinondena ni Go ang nangyaring pangingikil umano ng isang BI officer sa isang OFW na si JC Manganti na pinigilan na sumakay ng flight papuntang France sa kabila ng pagkakaroon ng kumpletong dokumento noong Agosto 7 noong nakaraang taon.
Iniulat ni Manganti ang insidente kay Immigration Commissioner Norman Tansingco at nagpakita ng mga text message mula sa BI officer na humihingi ng P150,000 kapalit ng escort service.
“While we recognize the hard work and dedication of many of our government employees, we cannot tolerate those who abuse their power and betray the trust of our kababayans,” sabi pa ng mambabatas.
“Swift action must be taken to hold the erring officer accountable and to prevent similar incidents from happening in the future. Managot ang dapat managot. Huwag natin hayaan ang mga nang-aabuso,” giit pa ni Go.
Sinabi ni Go na ang kanyang panukala ay makatutulong upang matugunan ang mga matagal nang isyu na kinakaharap ng BI dahil layunin nitong i-streamline ang mga proseso ng ahensya, bawasan ang bureaucratic red tape, at magbigay ng mas mahusay at epektibong serbisyo sa publiko.
Sa ilalim ng panukalang batas, aangat ang mga kasalukuyang posisyon ng mga opisyal at empleyado ng BI upang matugunan ang mabilis na pagtaas ng serbisyo ng imigrasyon sa bansa.
Ang paglikha ng mga bagong posisyon sa ilalim ng panukalang batas, ay magpapalakas din sa pagiging produktibo at kahusayan ng kawanihan.
“Kung sakaling maisabatas ang panukalang ito, mas mapapabuti rin natin ang compensation scheme ng mga nagtatrabaho sa ahensya. Mas maiiwasan ang katiwalian, mas mabibigyan sila ng kapasidad na pagbutihin pa ang kanilang trabaho,” paliwanag pa ni Go.
Kung magiging batas, ang panukalang batas ay magbibigay rin ng awtorisasyon sa BI Board of Commissioners na panatilihin at gamitin bawat taon ang 30% ng koleksyon nito mula sa mga bayad sa immigration fees, fines at penalties na maaaring kolektahin ng kawanihan upang ipatupad ang panukala at suporta sa pagsisikap nitong modernisasyon.
Maaari aniyang bumuo at kunin ang koleksyon sa Immigration Trust Fund.