
MAY nagpadala ng mensahe sa atin.
Gusto ko sanang ilathala ng buung-buo pero masyado pong ‘libelous’ ang ilang nakalagay sa kanilang reklamo.
Ibubuod ko na lang po ang pagsulat dito upang maipabatid ang pinakalayunin ng kanilang complaint.
Ayaw ko kasing paghinalaan ako ng taong mababanggit dito na may personal akong motibo.
Ika ‘nga, objective lang tayo base na rin sa prinsipyo ng malayang pamamahayag.
At anumang oras ay nakahanda tayong ilathala ang kanilang comment, puna at reaksiyon sakalıng makarating sa kanilang kaalaman ang ganitong uri ng sumbong.
Una, isang mambabasa natin ang nagpadala ng mensahe.
Kinukuwesiyon nila kung bakit hanggang ngayon ay ino-occupy ni ret. PNP Gen. Chiquito Malayo ang tinitirhan nitong quarters sa Camp Crame.
Anim na buwan na raw itong retirado at sana naman ay pagbigyan namang magamit ang naturang quarters ng ilang senior police officers na matagal ding nakapila.
Tinatanong din nila kung ano po ba ang kasalukuyang posisyon ni Gen. Malayo sa kapulisan ngayon dahil palagi pa rin daw siyang kasama ni PNP chief Jun Azurin.
Sinabi pa ng nagsusumbong na sa darating na Sabado, April 15, 2023 ay itatalaga si Gen. Malayo bilang chairman ng Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc (PSMBFI).
Sana raw ay may maglabas ng opisyal na pahayag kung bakit kahit sa travel sa abroad ay kasama ang kanilang pamilya dahil malaking gastos ito na diumano’y gamit ang PNP reserve funds.
Intriga pa nga nila na ang nakalipas na Christmas bonus ay P7,000 lamang daw ang ipinamigay sa halip na P21,000.
Sa unang tingin, animo’y may grupo lamang na gusting sirain ang liderato ni PNP chief na magreretiro ngayong katapusan ng buwan ng Abril.
Pero kung nanamnamin, mukhang lehitimo ang sumbong na dapat sagutin ng mga binanggit nating heneral.
At bago sila magalit sa atin, muli ko pong binibigyan-diin na nakahanda nating ibigay ang kanilang panig, anumang oras sakaling tayo ay kanilang kokontakin.
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674
