
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang naging utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipagpaliban ang pagtaas ng pamasahe para sa LRT-1 at LRT-2 habang nakabinbin ang masusing pag-aaral dito.
“Nagpapasalamat po tayo kay President Marcos for his wisdom in deferring the implementation of fare increases sa LRT-1 at LRT-2 hanggang wala pang masusing pag-aaral sa magiging epekto nito,” sabi ni Lee.
“Malaking ginhawa po ito para sa ating mga estudyante at manggagawa na bumubuo sa karamihan ng mga sumasakay sa LRT at MRT. Sila ang magiging pinakaapektado kapag nagtaas ng pamasahe, lalo at nakabalik na tayo sa face-to-face na klase at trabaho,” dagdag pa nito.
Una nang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista sa isang press briefing na inaprubahan ng DOTr ang pagtaas ng pamasahe para sa parehong LRT-1 at LRT-2, ngunit ipagpaliban ang pagpapatupad nito sa utos ni Pangulong Marcos Jr. habang naghihintay ng masusing pag-aaral sa kung paano ang pagtaas ng pamasahe ngayon ay makakaapekto sa mga pasahero.
Kaugnay nito, inihayag din ni Bautista na ang pagtaas ng pamasahe para sa MRT-3 ay ipinagpaliban din dahil sa mga kahinaan sa pagsunod sa mga kinakailangan at proseso.
Sinabi ni Lee na ang iminungkahing pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT, kung ipatutupad, ay magiging isang malupit na dagok sa mga mahihirap sa gitna ng tumataas na antas ng inflation.
“Malupit na dagok ang fare hike sa harap ng nagmamahal na bilihin. Ang dapat nating ginagawa ay naghahanap ng paraan upang maibsan ang mabigat nang pasan ng ating mga kababayan. Kailangan natin ng mga programa na magiging winner tayo lahat. In this regard, we also thank Sec. Bautista for his sensitivity and for ensuring that due diligence is practiced,” paliwanag pa ni Lee.
“Napakataas ng inflation rate natin the past three months: 8.7 percent for January, 8.6 percent for February, and 7.6 percent for March. Kaya tama lang na maghintay na pag-aralan muna nating maigi kung ano ang tuluyang epekto ng ganitong pagtaas sa mga ordinaryong Pilipino,” giit nito.
