
Ni NERIO AGUAS
Mararanasan na ng mga manlalakbay papunta at pabalik ng Pilipinas ang mas mabilis at mas maginhawang immigration procedure sa pamamagitan ng paggamit ng e-Travel System simula Abril 15, 2023.
Ito ang sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Norman Tansingco kung saan ang e-Travel System ay isang single data collection platform para sa darating at aalis na mga pasahero para sa pagtatayo ng integrated border control, health surveillance, at economic data analysis.
“Not only does this speed up immigration clearance, this initiative also ensures interoperability among border management agencies, and saves government resources,” sabi pa ni Tansingco.
Ang nasabing sistema ay inisyatiba ng sub-technical working group ng Inter-Agency Task Force (IATF), na pamumunuan ng BI at joint project ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ng Department of Tourism (DOT), ng Bureau of Quarantine (BOQ), ng Bureau of Customs (BOC), ng Department of Health (DOH), ng Department of Transportation (DOTr), ng Department of Justice (DOJ) at ng National Privacy Commission (NPC).
Ang platform, na unang inilunsad noong Disyembre, ay unang inilunsad sa arrival area at pinalawak upang masakop ang mga papaalis na manlalakbay.
Lahat ng mga pasahero at tripulante na darating sa Pilipinas ay kinakailangang magparehistro sa pamamagitan ng etravel.gov.ph nang hindi mas maaga sa 72 oras mula sa kanilang inaasahang pagdating.
Ang hindi makakasunod dito ay maaaring tulungan ng mga kawani ng airline sa kanilang pagdating at bago ang assessment ng Bureau of Quarantine (BOQ).
Bilang kapalit ng paper-based departure cards, tanging ang mga papaalis na Filipinong pasahero ang kinakailangang magparehistro sa e-Travel system 72 oras ngunit hindi bababa sa 3 oras mula sa kanilang nakatakdang pag-alis sa Pilipinas.
Ang mga papaalis na pasaherong Filipino na mabibigong magrehistro o mag-update ng kanilang e-Travel record ay maaaring gawin ito bago sumailalim sa inspeksyon ng BI o maaaring punan ang mga departure cards na madaling makuha sa loob ng immigration area.
Maaaring i-update ng mga nakarehistro nang pasahero ang kanilang e-Travel status sa ilalim ng Edit Registration tab habang ang mga crewmembers ay maaaring mag-update sa ilalim ng Registered Crew tab.
“The paper-based arrival and departure cards can only be used by passengers who are incapable of e-Travel registration and in the event that the e-Travel site is inaccessible,” sabi ng Bl chief.
Nilinaw naman ni Tansingco na ang pagpaparehistro at pag-update sa e-Travel portal ay walang bayad at ang mga pekeng site na naniningil ay maaaring iulat sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).