Pagbuti sa sitwasyon ng paggawa ikinalugod ng DOLE

Ni NERIO AGUAS

Nagpasalamat ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa resulta ng Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority para sa Pebrero 2023 na nagpapakita sa kasalukuyang sitwasyon ng merkado sa paggawa kung saan ito ay nakabawi na at patuloy ng pagbuti sa sitwasyon ng empleyo ng bansa.

Sinabi ng labor department sa isang pahayag na inilabas na itinatampok ng Pebrero LFS ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong sumasali sa labor force, na may participation rate na 66.6 porsyento o 51.27 milyon.

Ayon pa sa DOLE, ang nasabing bilang ay mas mataas ng 2.67 milyon kumpara sa labor force participation sa parehong panahon noong nakaraang taon, at 1.548 milyon na mas mataas sa naiulat na labor force participation noong nakaraang buwan.

Iniulat ng ahensya na mayroon ding pagtaas sa employment rate ng bansa ng 1.6 percentage points o mula 93.6 porsyento noong Pebrero 2022 hanggang 95.2 porsiyento noong Pebrero 2023 na nangangahulugan umano na ito na 48.8 milyong Pilipino ang mayroong trabaho.

Iniuugnay ng DOLE ang pagtaas ng empleyo sa pagpapalawak ng trabaho sa wholesale and retail trade (repair of motor vehicles and motorcycles) (+701,000 o 6.96%); accommodation and food service activities (+580,000 o 34.8%); agriculture and forestry (+554,000 o 5.76%); at iba pang service activities (+362,000 o 13.83%); at fishing and aquaculture (+340,000 o 27.45%).

Hinggil naman sa unemployment incidence, nakitaan ng pagbaba sa bilang ng manggagawang walang trabaho sa year-on-year comparison, mula 6.4 porsiyento ng Pebrero 2022 hanggang 4.8 porsyento ng Pebrero 2023.

Kahalintulad din ang naobserbahan sa mga kabataang walang trabaho na nag-ulat ng pagbaba ng 5.2 percentage points o mula 14.3 porsiyento ng Pebrero 2022 hanggang 9.1 porsiyento ng Pebrero 2023.

Maliban dito, bumaba rin ang underemployment rate ng 1.1 percentage points, mula 14% noong Pebrero 2022 hanggang 12.9% ngayong taon.

Sa gitna ng tuluy-tuloy na momentum na ito, patuloy na iniaayon ng labor department ang mga inisyatiba, implementasyon, at mga polisiya nito sa pambansa at sektoral na mga plano habang kinikilala ang kasalukuyan at umuusbong na mga hamon sa merkado ng paggawa.

Isa sa mga ito ay ang pagtatapos sa ginawang regional consultation ng Kagawaran para sa pagsasa-pinal ng Labor and Employment Plan 2023-2028, na alinsunod sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng Pangulo.

Patuloy ding nakikipagtulungan ang Kagawaran sa mga pribadong sektor at mga asosasyon ng industriya sa paghahatid ng mga oportunidad sa pagpapalakas ng kanilang mga manggagawa upang magarantiyahan ang kakayahan at kasanayan ng mga manggagawa at pangangalaga sa trabaho.

Leave a comment