
Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Senegalese makaraang makumpiskahan ng pekeng pasaporte at border arrival stamp.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing dayuhan ay isang 37-anyos na Senegalese na nagtangkang maghain ng extension ng tourist visa sa BI.
Sinabi ni BI tourist visa section chief Raymond Remigio na napansin ng mga tauhan nito ang kahina-hinalang dokumento na isinumite ng dayuhan kung kaya’t agad na inimbestigahan.
Sa forensic documents laboratory, nakumpirma na ang pasaporte at border stamp ng dayuhan ay pawang peke.
Pinuri naman ni Tansingco ang mga tauhan nito sa matagumpay na pag-aresto sa nasabing dayuhan kasabay ng babala sa lahat ng foreign nationals sa bansa na huwag magtangkang magsumite ng pekeng dokumento sa BI.
“Our personnel are highly-skilled in fraud detection, so schemes like this will definitely be caught. We will deport anyone who tries to defraud the system,” babala pa ni Tansingco.
Ang dayuhan ay nasa ilalim na ngayon ng imbestigasyon, at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Immigration laws.
Nahaharap din ito sa deportasyon at blacklisting, na awtomatikong hindi na makakapasok sa bansa.