
Ni NOEL ABUEL
Hinimok ngayon ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na hukayin ang diumano’y “double coverup” at “double recycling” na mga pagtatangka ng mga pulis na sangkot sa drug raid noong Oktubre 8, 2022 sa Tondo, Maynila na nagresulta sa pagkakasamsam ng 990 kilo ng shabu at pagkakaaresto sa police anti-drug agent na si MSgt. Rodolfo Mayo Jr.
Paliwanag ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, base sa mga dokumento at video footages sa nasabing insidente, ang unang “double coverup” attempt ay nangyari nang tangkain ng mga opisyal ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) na palayain si Mayo matapos madakip para sa umano’y gagawing drug sting operation sa Pasig City.
“At base na rin sa official report ng PNP-DEG, hindi isinama ng arresting team si Mayo sa inventory ng persons arrested at mga seized drugs sa Tondo. At may spot report pa ang PNP-DEG SOU NCR na kasama nila si Mayo, on same day na naaresto sya, sa isang drug raid sa Pasig City,” dagdag pa ni Barbers.
Ang ikalawang tangkang coverup ay nangyari nang dalawang opisyal ng PNP-DEG Special Operations Unit 4a na sina P/SMS Jerrywin Robosura at P/SMS Lorenzo Catarata ang nahuli sa CCTV footage na nagsasakay sa puting kotse ng dalawang bag na naglalaman ng shabu.
“At first, the reports said the bags only contain 30 kilos of shabu purportedly to be paid out to the PNP-DEG SOU 4a “assets”. It turned out the bags contain 42 kilos during an inventory, and if they succeeded to cover it up, Robosura and Catarata would have a “savings” of 12 kilos of shabu,” ani Barbers.
At sa isyu ng pinaniniwalaang “double recycling” na mga pagtatangka, sinabi ni Barbers na dalawang kilo ng shabu, na bahagi ng mahigit 990 kilo ng shabu na nasa ilalim ng safekeeping at kustodiya ni Mayo, ang naiulat na nasamsam dito sa isang drug buy-bust. operasyon laban sa huli sa parehong araw noong Oktubre 8, 2022.
“Dito, sa mga oras na ito, nahuli na nagbebenta ng shabu si Mayo na PNP-DEG agent,” sabi nito.
Ang ikalawang pagtatangka, aniya, ay ang “pagnanakaw” ng 42 kilo ng shabu mula sa loob ng opisina ng WPD Lending ng Mayo na nakunan sa CCTV video footage at opisyal na idineklara na 30 kilo lamang ang ibinayad sa PNP-DEG “assets,” at nag-iwan ng 12 kilo pa ng shabu bilang “savings”.
“Unang-una, hindi kukupit ng 42 kilos si Robusura at Catarata nang hindi alam ng kanilang mga superiors at kasamahan. At kung ‘yung 42 kilos ay hindi idedeklara ng mga ito sa official inventory report, ano sa palagay natin ang gagawin nila. Malamang ire-recycle din nila ‘yan,” giit ni Barbers.
Sa panig ni Abalos, sinabi ni Barbers na ang una ay tila “nabulag”, kung hindi “na-hoodwinked”, ng kanyang mga subordinates mula sa PNP sa kung ano talaga ang nangyari sa ground sa nasabing drug raid.
“Sec. Abalos at that time was made to believe that Mayo was arrested in a hot pursuit operation by PNP-DEG agents at Quezon Bridge, Quiapo, Manila for possession of 2 kilos of shabu. Pero base sa mga naglalabasan na CCTV video footage sa crime scene ay malinaw na walang ganitong nangyari. At may ginawa pang spot report si P/LCOL Arnulfo Ibanez, OIC chief ng PNP-DEG NCR, na kasama umano nila si Mayo, on same day na nahuli siya sa Tondo, na umaresto kay alleged drug lord Juden Francisco sa Pasig City,” ayon dito.
“Ang isa pang sablay sa report ni Ibanez ay di trabaho ng PNP-DEG NCR SOU ang pagse-serve ng warrant. At ang insulto pa rito, based on same report, ay inirerekomenda pa ni Ibanez na bigyan ng Medalya ng Kagalingan si Mayo sa paghuli sa wanted na si Juden Francisco,” dagdag ng kongresista.