Bayarin sa pagkuha at renewal ng lisensya ng PUV drivers i-exempt — CIBAC party list

Ni NOEL ABUEL

Inihain sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong i-exempt ang mga public utility vehicle (PUV) drivers sa pagbabayad ng application o renewal fees sa pagkuha ng professional driver’s license.

Sa House Bill 7796 ni CIBAC party-list Rep. Bro. Eddie Villanueva, sinabi nitong malaki ang naiaambag ng mga PUV drivers sa ekonomiya ng bansa at sa mga mahihirap na commuters kung kaya’t dapat na bigyan ng benepisyo.

“CIBAC recognizes that PUV drivers who are key players of our public transport sector are mostly minimum-wage earners. Thus, exempting them from paying application or renewal fees in securing professional driver’s license will greatly help in cushioning their meager income from the unabated price surge of fuel and from the adverse effects of the pandemic so that they will take home a larger disposable profit,” ayon pa kay Villanueva.

Idinagdag pa ng kongresista na sa ilang mga malalayong lugar, ang mga tricycle driver ay nagmamaneho nang walang professional driver’s license o nagmamaneho ng expired na na maaaring maiugnay sa mataas na halaga ng mga bayarin sa pag-apply at pag-renew ng driver’s license.

Ang mga PUVs na road-based motor vehicles na magseserbisyo sa publiko na maihahalintulad din sa mga trucks-for hire, UV express service, public utility buses (PUBS), public utility jeepneys (PUJs), tricycles, filcabs, at taxis.

Sa ilalim ng HB 7796, walang bayad na ipapataw bilang singilin sa aplikasyon ng lisensya o pag-renew ng mga drivers ng PUV maliban sa mga bayarin na kailangang bayaran sa gobyerno o mga institusyong nagbibigay ng mga serbisyo at mga dokumentong kailangan sa aplikasyon o pag-renew ng lisensya sa pagmamaneho, tulad ng ngunit hindi limitado sa medikal o eye examination mula sa Land Transportation Office (LTO) accredited clinics, ID pictures, birth certificates at iba pa.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa Php600 – Php700 ang bayad sa aplikasyon ng lisensya sa pagmamaneho/renewal kasama ang computer o processing charge.

Sakaling maging batas, maaaring ma-avail ang exemption kapag naghain ng sertipikasyon mula sa local government unit na ang aplikante ay validated PUV driver, at membership identification card na inisyu ng isang kinikilalang transport organization o isang tricycle operators and drivers association (TODA).

Pinaparusahan din ng panukala ang mga PUV drivers na magsusumite ng mga pekeng dokumento para maka-avail ng exemption na may multang P50,000 hanggang P100,000 at/o pagkakulong ng 1 buwan hanggang 6 na buwan ayon sa pagpapasya ng korte.

“In consideration of their socio-economic plight, we call on Congress to pass this measure to alleviate the financial burden of our PUV drivers and encourage them to apply or renew their license,” sabi pa ni Villanueva.

Leave a comment