
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko partikular ang mga wala pang bakuna na samantalahin na ang nakatakdang pagkakaroon ng COVID-19 vaccine ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Go, chair ng Senate Committee on Health, dapat na i-avail ng mga ito ang kanilang primary at booster shots.
Ito ang tugon ng senador sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases’ (IATF) na panatilihin ang Alert Level 2 for COVID-19 sa 26 probinsya sa buong bansa dahil sa mababang vaccination rates.
“Kaya dapat nating i-encourage ang ating mga kababayan na magpabakuna para protektado tayo dahil ang bakuna po ang tanging susi o solusyon para unti-unti tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” sa ambush interview kay Go sa gitna ng pagbibigay ng tulong sa mga residente ng San Jose de Buenavista sa Antique.
Pinaalalahanan nito ang publiko na ang pagpapabakuna ay hindi lamang pinoprotektahan ang sarili kundi pati na rin ang mga tao sa kanilang paligid, lalo na mga matatanda at mga may medical conditions.
“Hindi po tayo makakatipon ngayon dito kung hindi po dahil sa bakuna. Kaya iniengganyo ko po ang mga kababayan natin, ‘wag maging kumpiyansa,” sabi nito.
Pinaalalahanan ni Go na, hangga’t nariyan pa ang COVID-19, ang mga panganib ay nananatiling mataas, at ang paghihintay na tuluyan itong mawala bago kumilos ay hindi isang praktikal na opsyon.
“Kaya importante po magbakuna tayo at kung qualified na po kayo sa pagpapa-booster, magpa-booster na tayo dahil ‘yan po ang isa sa pamamaraan na makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay. Kung bakunado, mas protektado po ang ating buhay,” giit nito.
Ang second dosage ng COVID-19 booster shots para sa mga nasa hustong gulang na higit sa 18 taong gulang ay maaari na ngayong matanggap anim na buwan pagkatapos ng paunang doses ayon sa itinuro ng mga alituntunin ng DOH para makuha ng publiko ang kanilang pangalawang booster shot, na inilabas kamakailan.
Samantala, ang mga medical frontliners, mga indibidwal na may edad 50 pataas, at mga may comorbidities ay kailangang maghintay ng tatlo hanggang apat na buwan pagkatapos ng kanilang paunang booster shot bago matanggap ang kanilang pangalawa, depende sa tatak ng kanilang paunang doses.
Sa National COVID-19 Case Bulletin na inilabas ng DOH noong Abril 24, ipinahiwatig na may kabuuang mahigit 78.4 milyong Pilipino ang nakakumpleto ng kanilang pagbabakuna laban sa COVID-19 noong Marso 19.
Maliban dito, mahigit 23.8 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang booster shot, habang halos 4.4 milyon ang nakatanggap na ng kanilang pangalawang booster dose.
