Social media gagamitin ng BI sa airport ops tuwing weekends at holidays

Ni NERIO AGUAS

Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na ipagpatuloy nito ang pag-post sa mga social media ng mga update sa operasyon ng mga paliparan sa bansa.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nakatanggap ito ng magandang feedback sa inisyatiba noong unang ipatupad ito noong Holy Week.

Gagamitin ng BI ang mga social media platform ng ahensya para mag-post ng mga larawan ng kanilang mga operasyon para i-update ang publiko tuwing weekend at holidays.

“Similar to traffic reports on the roads, our updates will allow departing passengers to see if there is congestion so they can prepare for it,” ani Tansingco.

Pinaalalahanan din nito ang mga papaalis na pasahero na mag-check in ng hindi bababa sa 3 oras bago ang kanilang flight, at dumiretso sa immigration area para sa clearance.

Kung nagpaplanong tangkilikin ang iba pang pasilidad ng paliparan, iminumungkahi ng BI na dumating nang mas maaga ang mga manlalakbay upang magkaroon ng sapat na oras para sa clearance ng pag-alis at iba pang mga aktibidad sa loob ng terminal.

Iniulat ni Tansingco na may 147 pang immigration officers ang nakatakdang i-deploy sa BI airports at iba’t ibang opisina sa buong bansa, pagkatapos ng kanilang pagsasanay sa ilalim ng Philippine Immigration Academy.

“The updates may be viewed on the BI’s facebook pages at facebook.com/officialbureauofimmigration and facebook.com/immigration.helpline.ph.,” ayon pa sa BI chief.

Leave a comment