Wanted na Korean fraudster arestado sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang wanted na Korean national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagtangkang umalis ng bansa.

Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., kinilala ang nadakip na dayuhan na si Ko Daeyun, 31-anyos, sa NAIA 3 terminal noong nakalipas na Abril 25.

Sinabi ni Manahan na si Ko ay papasakay na sana sa Cebu Pacific fight patungong Seoul, South Korea nang masabat ng mga operatiba ng BI’s border control and intelligence unit (BCIU) sa NAIA.

Nabatid na dumaan ang Koreano sa isang BI officer sa immigration departure counter nang mapansin ng huli na ang pangalan nito ay nasa watchlist ng BI ng wanted foreign fugitives.

Inakusahan ng mga awtoridad ng Korea si Ko bilang miyembro ng isang telecommunications fraud syndicate na nambibiktima sa mga kababayan nito sa pamamagitan ng voice phishing, o paggamit ng mga tawag sa telepono upang makakuha ng access sa pera ng isang tao at iba pang personal na impormasyon.

Sinasabing naengganyo ni Ko ang isang biktima na ibigay sa kanya ang kanyang debit card at nakapag-withdraw ng higit sa kalahating milyong won, o halos US$400,000, mula Oktubre hanggang Disyembre 2021 matapos ipangako sa biktima na ang kanyang pera ay kikita ng interes sa isang negosyo sa pagpapautang.

Nahaharap ang nasabing dayuhan sa kasong deportasyon sa BI legal division kung saan kinasuhan ito ng pagiging undesirability dahil sa kanyang pagiging takas sa hustisya.

Nakadetine sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Ko habang hinihintay ang pagpapatapon dito pabalik ng Korea.

Leave a comment