
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang illegal aliens sa magkahiwalay na lugar ng Cebu at Manila.
Kinilala ni BI Intelligence chief Fortunato Manahan Jr. ang nadakip na dayuhan na si Barry Lee Jordan, 48-anyos, isang US national at Harwinder Singh, 33-anyos, Indian national.
Ayon kay Manahan, nadakip si Jordan noong nakaraang Abril 28, kabilang ang kinakasama nito, sa Bgy. Upper Buenavista, Carcar City, Cebu kung saan natuklasan na overstaying na ito.
Nang maaresto ay nabigo ang nasabing dayuhan na magpakita ng anumang dokumento na magpapatunay na legal ang pananatili nito sa bansa kung kaya’t agad na inaresto dahil sa pagiging undocumented alien.
Nabatid na si Jordan ay 7-taon nang nagtatago sa bansa kung saan Disyembre 27, 2015 nang dumating ito sa Pilipinas bilang turista.
Kinasuhan din si Jordan ng pagiging undesirable alien dahil sa nakita sa social media YouTube na binantaan nito ang isang bartender na sasaksakin habang naka-live stream.
Samantala, iniulat din ni Manahan na noong Abril 25, naharang ng mga tauhan ng BI border control and intelligence group (BCIU) sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3 ang Indian national na si Singh makaraang makumpiska ang pekeng entry visa sa pasaporte nito.
Nabatid na si Singh ay paalis na patungo na sana sa New Delhi nang dumaan ito sa immigration officer na nagproseso ito dokumento nito na napatunayan na peke.
Kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dalawang dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon sa mga ito sa kanilang mga bansa.
