Singil ng gencos, pinuna ni Tulfo

Senador Raffy Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Sinita ni Senador Raffy Tulfo ang hindi nagmumura bagkus ay patuloy pa ring umaakyat na presyo ng kuryente sa bansa kahit bumaba na ang presyo ng coal sa lahat ng global price index.

Ayon sa senador, kumpara sa ibang bansa sa Asya, ang Pilipinas ay may pinakamataas na presyo ng kuryente kahit na isa lang ang pinagbabasehan ng presyo ng pag-angkat ng coal, ang Indonesian Coal Index at New Castle Index.

Kaya agad kinausap ni Tulfo noong Lunes, May 1, 2023, sa isang consultative meeting via zoom ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) para sitahin kung bakit dekada na nilang hinahayaang magpatuloy ang mapang-abusong sistemang ito.

“Kaya sobrang mahal ng kuryente sa Pilipinas ay dahil matagal na pala tayong piniprito sa sarili nating mantika ng mga gahamang energy generation company,” saad nito.

“Kahit mura ang pagkabili ng suplay nila ng coal, sky is the limit sila kung tumaga para sa kita. Imoral na ang kanilang pagpatong ng tubo sa binibili nilang coal. Panahon na para pang-himasukan ng gobyerno ang iskandalosong sistemang pagnenegosyo ng mga kumpanyang ito,” dagdag nito.

Aniya, ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga foreign investors ang nag-aalangan magtayo ng kanilang negosyo sa bansa ay dahil sa mahal na singil sa kuryente kaya’t mas pinipili nilang magpunta sa ibang bansa tulad ng Malaysia at Vietnam sa kadahilanang mas mura ang singil ng kuryente dito.

Ani Tulfo, araw-araw, ang malalaking genco na nagsu-supply ng karamihang kuryente sa Pilipinas ay kumikita ng daan-daang milyon kung saan kung isasama pa ang bawat planta, kumikita na ang mga ito ng bilyones kada araw!

Sa nasabing meeting, inamin mismo ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta ang nadiskubre ni Tulfo.

Sumulat na umano ang mga ito sa mga kumpanyang ito para ipaliwanag ang basehan ng pagpresyo ng kanilang kuryente.

Pinuna ng mambabatas ang sagot na confidential ang impormasyong hinihingi ng ERC kung kaya’t hindi nagustuhan ng senador.

Sabi ni Dimalanta ay nagpadala na ito ng show cause order para iobliga ang mga genco na mag-comply ngunit hanggang ngayon ay wala pa kahit isa sa kanila ang sumusunod at patuloy pa rin na nagmamatigas.

Tinanong ni Tulfo kung kakailanganin ba ng isang legislation para magkaroon ng limitasyon sa rate of return ng mga genco na tinugon naman ni Dimalanta na hindi pa ito kailangan.

Samantala, sinabi naman ng DOE na handa itong magpataw ng karampatang sanctions sa mga genco, kasama na rito ang obligahin na magbigay ng refund sa mga consumer.

Sinabi ni Tulfo na muli nitong babalikan ang ERC at DOE sa pagbabalik ng sesyon sa Senado sa pamamagitan ng isang hearing upang matuldukan na ang matagal nang pang-aabuso’t pang-aapi ng mga genco sa sambayanang Pilipino.

Leave a comment