
Ni NERIO AGUAS
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong racketeering at fraud.
Ayon sa BI, ang nasabing dayuhan ay nadakip ng mga ahente ng fugitive search unit (FSU) na nakilalang si Rick Lee Crosby Jr., 44-anyos, noong Abril 29, sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na si Crosby ay nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) simula pa noong Abril 2020 kung saan inisyuhan ito arrest warrant ng Thirteenth Judicial Circuit sa Hillsborough County Florida.
Kinasuhan ito ng Racketeering, Conspiracy to Commit Racketeering, Money Laundering, at Organized Scheme to Defraud.
Idinagdag pa ni Sy na nang madakip si Crosby ay agad na kinumpiska ang pasaporte nito dahil sa kinansela na ito ng US government dahilan upang ideklarang undocumented alien ang dayuhan.
Si Crosby, ay agad na ibabalik sa US dahil naglabas na ang BI board of commissioners noong desisyon para sa kanyang summary deportation.
Inilagay na rin sa immigration blacklist ang dayuhan na awtomatikong hindi na muli pang makakabalik sa Pilipinas.
Kasalukuyang nakadetine sa National Bureau of Investigation Puerto Princesa District Office ang dayuhan habang inihahanda ang paglilipat nito sa BI’s facility sa Taguig City.