
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Imee Marcos sa malaking posibilidad na mawalan ng trabaho ang mga call center agents atga factory workers dahil sa paggamit ng artificial intelligence (AI).
Dahil dito, naghain na ng resolusyon si Senador Imee Marcos para busisiin sa Senado ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at ang posibleng pag-iitsapuwera sa mga manggagawa sa services and manufacturing sector.
Nababahala si Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa napipintong pagkawala ng mga trabaho partikular na sa business process outsourcing (BPO) at mga orihinal na equipment manufacturing (OEM) na kumpanya, na kanyang pinaniwalaang may malaking potensyal sa paglikha ng trabaho sa kabila ng pandemya.
“Ang AI ay umuunlad nang mas mabilis kaysa inaakala ng karamihan na posibleng magdulot ng mga kawalan ng trabaho at maging kabaligtaran ng paglago nito,” babala ni Marcos.
“Malapit na bang ituring ang mga call center agent at factory worker na mga walang silbi, pagkatapos itaguyod ang ating ekonomiya sa panahon ng pandaigdigang krisis sa kalusugan?” tanong ng senador na nagbanggit na sa kasagsagan ng mga paghihigpit sa Covid-19 noong 2020 hanggang 2021, ang industriya ng BPO ay lumago ng 10% hanggang $29.5 bilyon.
Sa Senate Resolution No. 591, isinasaad dito ang nakababahalang prediksyon na tinatayang nasa 1.1 milyong mga trabaho sa Pilipinas ang malulusaw o mawawala pagsapit ng 2028, base na rin sa pag-aaral ng Oxford Economics at U.S. based digital technology company na Cisco.
Maliban dito, nasa 50 porsiyento na mga organisasyon sa buong mundo ang gumagamit ng AI at mga automated machine ngayong taon, habang ang mga pamumuhunan sa teknolohiya ay tinatayang papalo mula sa 50% hanggang 100% sa susunod na tatlong taon, ayon na rin sa global consulting and advisory group na Deloitte and professional services network KMPG.
Binigyang diin ni Marcos na dapat madaliin ang pagbibigay kaalaman sa mga mambabatas hinggil sa global development hinggil sa AI technology sa pamamagitan ng Senate inquiry, at kinakailangang kaharapin ito pareho ng lehislatibo at ehekutibo na isang hindi maiiwasang tsunami ng teknolohiya.
Bago pa kumalat ang paggamit ng AI sa lahat negosyo sa bansa, sinabi ni Marcos na kapwa krusyal na mithiin o dapat targetin ng dalawang kapulungan ng kongreso na bumuo ng mga regulatory measure laban sa matinding kawalan ng trabaho at gumawa ng kaukulang mga pag-amiyenda sa Intellectual Property Code, Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act.
Bukod sa mga legal na proteksyon na kayang ipatupad ng gobyerno, iginiit ni Marcos na sa future corporate social responsibility, kinakailangang isama ang “upskilling at training ng mga manggagawa sa special services” na hindi basta-bastang mapapalitan ng AI.