Isabela binulabog ng malalakas na paglindol

NI MJ SULLIVAN

Muling dinalaw ng malalakas na paglindol ang lalawigan ng Isabela at kalapit lugar nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa datos ng Phivolcs, pinakamalakas na lindol na naitala ang magnitude 5.3 na lindol na nangyari dakong alas-7:36 ng gabi sa layong 027 hilagang silangan ng Maconacon, Isabela.

May lalim itong 028 km at tectonic ang origin.

Naramdaman ang intensity V sa Maconacon, Isabela at sa Enrile, Cagayan habang intensity IV naman sa Tuguegarao City, Iguig, at Peñablanca, Cagayan.

Intensity III naman sa Solana, Allacapan, Lasam, Gonzaga, at Gattaran, Cagayan at intensity II sa Cabagan, Cauayan, Delfin Albano, Ilagan, Jones, Ramon, at San Pablo, Isabela.

Intensity I naman sa Sinait, Ilocos Sur; Dinapigue, Isabela; at Pagudpud, Ilocos Norte.

Samantala, sa instrumental intensities ay naitala ang intensity III sa Gonzaga, Cagayan at intensity II sa lungsod ng Ilagan, Isabela; sa lungsod ng Tabuk, Kalinga; Madella, Quirino at intensity I sa Casiguran, at Baler, Aurora; lungsod ng Laoag, Pasuquin, at syudad ng Batac, Ilocos Norte; lungsod ng Santiago, Isabela.

Ganap namang alas-12:32 ng madaling-araw nang maitala ang aftershock sa lakas na magnitude 3 sa layong  019 km hilagang silangan ng Maconacon, Isabela at may lalim na 021 km at tectonic pa rin ang origin.

Makalipas ang ilang minuto o ala-1:31 ng madaling-araw nang muling lumindol sa lakas na magnitude 3. 7.

Ganap namang alas-2:49 nang muling makapagtala ng magnitude 3 na lindol sa nasabi ring bayan.  

Sa kabilang banda, may naitala ring paglindol sa bayan ng Javier, Leyte sa lakas na ang magnitude 3.7 kaninang madaling-araw.

Dakong alas-4:11 ng madaling-araw nang maramdaman ang lindol sa layong 009 km hilagang kanluran ng nasabing bayan.

Naitala sa instrumental intensities ang intensity II sa Javier, Ormoc City, Mahaplag, at Baybay, Leyte at intensity I sa Dulag, Burauen, at Albuera, Leyte .

Leave a comment