P1M cash gift sa centenarians pasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang pagkakaloob ng P1milyon cash gift sa mga centenarians.

Pinaboran ng 257 kongresista ang House Bill 7535 na nagsasaad na mula P100,000 ay gagawin nang P1 milyon ang ipagkakaloob sa mga centenarians na aabot sa 101-taong gulang

Sa HB 7535, pinaaamiyendahan nito ang Republic Act No. 10868 o ang Centenarians Act of 2016 na nagkakaloob ng P100,000 sa sinumang Pinoy na aabot sa 100-taong gulang.

Nabatid na sa panukala, ang mga Pinoy na aabot sa 80-anyos hanggang P85-anyos o octogenarians at 90-anyos hanggang 95-anyos o nonagenarians ay makakatanggap ng P25,000 at letter of felicitations mula sa Pangulo ng bansa.

“With this legislation, the House of Representatives would like to honor our countrymen for their years of service to the country and for their discipline in ensuring that they live a long, healthy and fruitful life,” sabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ang HB 7535 ay inihain nina Reps. Rodolfo Ordanes, Jude Acidre, Sonny Lagon, Daphne Lagon, Brian Yamsuan, PM Vargas, Toby Tiangco, Salvador Pleyto, Roy Loyola, LRay Villafuerte, Loreto Amante, Jam Baronda, Eric Yap, Edvic Yap, Paolo Duterte, Migs Nograles, Lani Mercado-Revilla, Gus Tambunting.

“Of course, we also want our octogenarians and nonagenarians to enjoy this benefit while they still can without having to wait until 101 years old so we also provided a cash gift for them,” ayon pa kay Romualdez.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang National Commission of Senior Citizens na ipatupad ang nasabing panukala sa sandaling maging batas.

Noong nakaraang taon, sa pagdinig ng Kamara ay iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sa kasalukuyan ay nasa 662 ang bilang ng mga Filipino centenarians sa bansa.

Leave a comment