
Ni NOEL ABUEL
Sa ikaapat na pagkakataon sa loob ng limang buwan, muling hinatulan ng Sandiganbayan si dating Maguindanao Gov. Datu Sajid Islam Ampatuan ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian kaugnay sa ghost procurements ng food supplies na nagkakahalaga ng P16.32 milyon sa 34 na transaksyon mula Pebrero hanggang Setyembre 2009.
Sa 75-pahinang desisyon na inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division na may petsang May 5, 2023, hinatulan si Ampatuan na makulong ng 6 hanggang 10 taon sa kasong graft at 10 hanggang 18 taon sa kasong malversation of public funds o kabuuang 16 hanggang 28 taon.
Kasama rin sa kinasuhan ng kahalintulad na parusa si dating Maguindanao budget officer Datu Ali Abpi.
Pinatawan din ang mga akusado na magbayad ng kabuuang P16,317,559 na katumbas ng kasong malversation.
Samantala, pinawalang-sala naman ang mga akusado sa 34 counts na falsification of public documents dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Batay sa 2017 na kaso mula sa Office of the Ombudsman, sina Ampatuan at Abpi ay inakusahan ng panloloko sa kaban ng probinsya sa pamamagitan ng pagpapalabas na may binayaran sa Henry Merchandising sa halagang P16,317,559 para sa paghahatid ng mga pagkain sa pagitan ng Pebrero 2 hanggang Setyembre 30, 2009.
Sa ebidensya na ipinakita ng prosekusyon, na hindi napatunayan ng mga akusado na nag-e exist ang nasabing supplier kung saan natukoy na bogus ito.
“The Prosecution’s evidence sufficiently proved that the Province of Maguindanao disbursed the said amount to Henry Merchandising, a non-existing entity, for goods that were not actually delivered,” ayon sa desisyon ng anti-graft court.
Dalawa pang akusado na sina Bids and Awards Committee members John Estelito Dollosa at Osmeña Bandila ang nananatiling at large kung kaya’t pinagpaliban ang pagdinig sa kaso ng mga ito.
Nabatid na ang parusa laban kay Ampatuan ay ikaapat na sa loob ng 5-buwan dahil sa patung-patong na kaso.
Noong Enero 13, 2023, pinatawan ng Fifth Division na guilty sa walong kaso ng graft at falsification of public documents si Ampatuan dahil sa pekeng pagbili ng gasolina mula sa gasoline station na pag-aari nito sa Shariff Aguak.
Pinatawan ito ng pagkakakulong ng 48-taon hanggang 64-taon dahil sa graft at 16-taong hanggang 48-taong pagkakakulong sa kasong falsification at pinagbabayad ito ng P22.37 milyon para sa civil indemnity sa probinsya ng Maguindanao maliban pa sa P40,000 multa.
Noong Pebrero 9, 2023, hinatulan ito ng Sixth Division sa apat na bilang ng bawat isa sa graft at malversation of public funds at 126 counts ng falsification kaugnay sa bogus na pagbili ng construction materials mula sa apat na bogus na suppliers.
Pinatawan si Ampatuan na magbayad ng P67.83 milyong multa at P67.19 milyon na civil liability kung saan hinatulan ito ng pagkakakulong 24 hanggang 40 taong pagkakakulong sa kasong graft, 68 hanggang 72 taon sa malversation, at 756 hanggang 882 dahil sa falsification.
Noong Marso 10, 2023, ibinaba ng Third Division ang reclusion perpetua laban kay Ampatuan para sa malversation of public funds at isa pang walo hanggang labindalawang taon para sa graft kaugnay ng pekeng pagbili ng palay at corn seeds pati na rin ang mga pataba mula sa isang supplier na tumanggi na may anumang transaksyon. kasama ng pamahalaang panlalawigan.
Inatasan ang dating gobernador ng anti-graft court na magbayad ng P98.5 milyon bilang multa gayundin ang kahalintulad na multa para sa civil liability na may anim na porsiyentong taunang interes hanggang mabayaran nang buo.